Sa murang edad, kinailangan ni "The Clash" finalist  Mirriam Manalo na mag-abroad para makatulong sa pamilya. Ngunit kapalit nito ang ilang pagsubok, tulad ng mawalan ng trabaho at tirahan na dahilan para matulog siya sa kalsada sa China.

Sa programang "Mars," ikinuwento ni Mirriam na lumipad siya noon sa China sa edad na 18, at anim na taong nanatili sa abroad.

"Super hard po. As in lalo na po kapag nagkakasakit ka. Iniisip mo, 'Oh my God kailangang tulungan mo 'yung sarili mo.' Kung puwedeng gumapang ka, gagapang ka para lang mapagaling mo sarili mo. At saka du'n po there's no excuses. Kahit may sakit ka, kailangang magtrabaho ka," kuwento niya.

Nagsimulang makaranas ng paghihirap si Mirriam nang matapos ang kaniyang kontrata, at matulog sa kalsada.

"Tapos na po 'yung contract ko nu'n, pero I don't want to go home nang walang kahit na ano. Sabi ko, hindi ako uuwi kahit anong mangyari, kahit wala akong kapera-pera, kailangan mag-stay ako dito," sabi niya.

Dagdag ni Mirriam, "Kaya po talagang tiniis ko po 'yun na mag-stay muna ako. Kung saan-saan po ako napupunta, hanggang sa naghanap po ako ng iba't ibang klaseng trabaho, hanggang naging teacher po ako, nagtrabaho po ako as sales, lahat po ng klaseng trabaho pinasukan ko na para lang po mag-survive sa country na 'yon."

Dahil dito, naging mas matatag pa si Mirriam.

Ngayong pasok na siya sa finals ng "The Clash," hinaharap niya naman ang pressure ng kompetisyon, na sabay sa kaniyang pagbubuntis.

"Nagulat nga po ako kasi sa tagal-tagal ko na pong gustong magka-baby before, talagang hindi po siya dumarating. Tapos ngayon unexpectedly biglang, bakit ngayon baby? Pero okay lang. Blessing ka ni God," sabi niya.

Nasorpresa naman si Mirriam nang bisitahin siya ng kaniyang ina sa set ng Mars. Panoorin:

--FRJ, GMA News