Isang gabing maraming pasabog at all-out performances ang inihandog ni Pambansang Bae Alden Richards sa kaniyang sold-out concert na "Adrenaline Rush" nitong Biyernes.
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras Weekend," sinabing star-studded din ang concert ni Alden.
Kinilig ang fans nang kantahin ni Alden ang "God Gave Me You" at nagsigawan pa sa kaniyang sexy dance number kasama sina Ruru Madrid at Rodjun Cruz.
Nakasama rin ni Alden ang Kapuso boy group na One Up at ang hiphop-rap group na Ex Battalion, kung saan ipinakita naman ng Pambansang Bae ang kaniyang versatility sa pagkanta.
Panauhin ni Alden sina Betong Sumaya at Kapuso Comedy Queen AiAi delas Alas na naghatid ng katatawanan.
Ngunit pinakasorpresa sa gabi ang special number ni Alden kasama si Asia's Songbird Regine Velasquez-Alcasid.
Masasabi ni Alden na kakaiba ang kaniyang Adrenaline Rush concert ngayong taon.
"To be able to deliver something new to the audience para meron silang nilu-look forward to every concert. Para at least 'pag gumagawa tayo, like now it's my second time, hindi masabi na 'Nagawa na niya 'yan! Nakita na namin 'yan.'" — Jamil Santos/DVM, GMA News
