Nagbigay ng pahayag si Harlene Bautista tungkol sa nangyaring hiwalayan nila ng asawang si Romnick Sarmenta.

Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing nagpaunlak ng panayam si Harlene nang samahan niya ang kapatid na si Hero nang nag-file ng certificate of candidacy sa Comelec.

Mahigit isang linggo na nang maglabas ng pahayag sina Harlene at Romnick tungkol sa desisyon nilang maghiwalay matapos ang 19 na taon na pagsasama.

Hindi man nila nabanggit ang dahilan ng kanilang paghihiwalay, tiniyak naman ng dalawa na mananatili silang magkaibigan.

"I'm very happy and at peace, and we're friends," sabi ni Herlene.

Sa ulat naman ni Jojo Gabinete sa PEP.ph nitong Lunes,  naitanong kay Herlene kung siya ba ang nagpasimula ng pag-uusap nilang mag-asawa na maghiwalay.

"Sabihin natin, siguro doon nagsimula, pero nagtapos sa pareho kaming nagdesisyon.”

Inihayag din ng aktres na hindi nawawala ang pagmamahal niya kay Romnick bagaman nag-iba lang.

"Base sa napagdaanan ko, hindi siya nawawala, nag-iibang level, umiibang direksiyon," saad niya . "Kasi mahal ko naman siya dahil siya ang tatay ng mga anak ko.

Nang tanungin siya kung magmamahal ba siya ulit,' tugon ni Harlene, "Oo! Mabilis ang sagot ko kasi kahit naman yun, sinabi ko sa kanya na gusto ko meron akong makasama sa buhay, makatuwang sa buhay."

Sinabihan din daw niya si Romnick na sana ay makahanap din ito ng bagong makakasama sa buhay.-- FRJ, GMA News