Natutuwa si Rayver Cruz na makatrabaho sa bagong Kapuso series na "Asawa Ko, Karibal Ko" ang batikang aktres na si Lotlot de Leon, na ina ni Janine Gutierrez.

Sa Star Bites report ni Lhar Santiago sa GMA News "Balitanghali" nitong Miyerkoles, sinabing bago pa man sila magkasama sa serye ay dati nang malapit si Rayver kay Lotlot.

ALAMIN: Ano kaya ang masasabi ni Lotlot tungkol kay Rayver na nauugnay sa anak niyang si Janine?

Katunayan, nakapaglalambing pa raw si Rayver kay Lotlot para magpaluto ng paborito niyang pagkain.

"Lagi akong humihingi kasi masarap siyang magluto. Kahit naman hindi sa set, te-text ko siya, ate Lot, lutuan mo naman ako ng adobo," masaya niyang kuwento.

Masaya rin si Rayver dahil sa mainit na pagtanggap sa kaniya sa Kapuso Network.

Kaya naman nagpapasalamat siya at dalawang show agad ang ibinigay sa kaniya.

"Super blessed and humbled sa ganitong feeling. Ah, kasi nga pagdating ko dito, may Studio 7 and then 'Asawa Ko Karibal Ko,' and ang gaganda ng mga projects na binigay so thank you to GMA 7."

Bukod dito, maganda rin ang pakikitungo ng mga "Asawa Ko Karibal Ko" co-stars niyang sina Kris Bernal at Thea Tolentino sa kaniya, kaya pinuri niya rin ang mga ito.

"Happy ako kasi ipinaramdam nila sa akin na at home ako and tanggal agad 'yung, 'yung wall. 'Yung parang nandu'n 'yung comfortable ako kaagad sa kanila," anang binata.

Nag-enjoy din si Rayver dahil muli niyang nakasayawan ang kuyang si Rodjun, matapos ang maraming taon.

"Nu'ng sumasayaw kami, ang sarap nu'ng feeling kasi ang tagal ko na siyang hindi naka-perform and ginawa namin, tapos, napanood pa ng mga tao and happy ako, happy ako."-- Jamil Santos/FRJ, GMA News