Mapa-Pilipinas o mapa-ibang bansa, kaniya-kaniyang trip din ang mga Kapuso star pagdating sa mga paborito nilang travel destinations para makapag-recharge sila at nakasama ang loved ones.
Sa Star Bites report ni Cata Tibayan sa GMA News "Balitanghali" nitong Miyerkoles, sinabing hindi na kailangan ni Katrina Halili na lumayo o mangibang bansa pagdating sa kaniyang favorite place in the world dahil nandiyan na ang kaniyang hometown na Palawan.
Umuuwi palagi si Katrina sa isla sa tuwing nakakahanap ng pagkakataon, at madalas pa nga raw na nagyaya ng mga katrabaho na magbakasyon sa kanilang resort.
"Siyempre 'yung beach na nadoon, 'yung sand, sobrang ano pa kasi, para siyang paradise kapag andoon ka," sabi ni Katrina.
Marami na ring nabisitang dream destinations ang real life couple na sina Megan Young at Mikael Daez, ngunit bukod sa magagandang tanawin, favorite bonding nila ang coffee trip.
Ang mga bansang Japan, Maldives at South Africa ang kanilang top 3 favorite travel destinations.
"Minsan nagta-travel kami para lang sa kape. So 'pag nagta-travel kami una naming hahanapin hindi hotel, kundi kung ano 'yung pinakamasarap na coffee shop doon," kuwento ni Megan.
Memorable naman para kay "I-Bilib" host at basketball player na si Chris Tiu ang Iceland dahil kasama niya ang asawang si Clarisse, at na-witness pa nila mismo ang northern lights.
"Where ever you look parang postcard eh. Kahit saan ka mag-picture parang postcard, they have beautiful landscape. Incredible, surreal wonder of God," ayon kay Chris.
Sobrang saya naman ng K-Pop at K-drama fan na si Yasmien Kurdi sa tuwing tutungo ng South Korea kasama ng mga kaibigan.
"Looking forward ako, tapos, siguro magbi-visit sa ibang places na pinag-shooting-an ng K-drama na gusto ko," ayon kay Yasmien.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News
