Nagsalita si Superstar Nora Aunor tungkol sa muli niyang pagkakaalis sa listahan ng mga dapat gawaran bilang National Artist.
Sa isang pahayag, sinabi ni Nora na sa umpisa pa lang ay hindi niya naisip na maging National Artist.
"Noong panahon ni Pnoy na unang napasali ang pangalang Nora Aunor sa listahan ng National Artist lagi ko ng sinasabi na hindi ko iniisip na maging National Artist. Sa sarili ko kasing opinyon may mga alagad ng sining tayo na naging haligi na sa industriya na masasabi kong mas karapat-dapat bigyan ng karangalan bilang isang National Artist, tulad ni Dolphy at iba pa na malaki ang naiambag nila sa industriya ng sining at kultura natin. Naging mapalad lang po ako dahil kahit papaano ay may mga achievements ako na nagawa bilang isang artista at mang-aawit na nakikita po ng ibang tao."
Pag-amin ni Nora, napatanong din siya sa sarili kung bakit siya naalis noon sa listahan, at binanggit ang dahilan ng nakaraang administrasyon tungkol sa pagkakasangkot niya sa droga.
"Balik po tayo sa administrasyon ni Pnoy. Pumasok nga ang pangalang Nora Aunor sa listahan ng National Artist. Siyempre, natuwa po ako dahil nagbunga ang paghihirap kong makagawa ng mga pelikulang de kalidad at kapupulutan ng aral ng mga tao lalo na ng mga kabataan at estudyante. Noong tanggalin ang pangalan ko ni Aquino sa listahan ng NA ay nagulat po ako at tinanong ko ang sarili ko, BAKIT?. Ang rason ni Pnoy, tinanggal ako dahil nakulong raw ako sa [S]tates dahil sa droga na sinagot naman ng mga abogado kong sina Atty. Claire Espina at Atty. Edelberg na hindi totoo.
"May mga tao, mga kasamahan sa trabaho, mga kaibigan na nagalit lalo na ang mga NORANIANS sa pagtanggal ng pangalang Nora Aunor sa pagiging National Artist. Hindi ako kumibo, nanahimik lang ako.. Simula noon, nagsunod-sunod ang imbitasyon sa akin ng mga GURO sa IBA'T ibang UNIBERSIDAD tulad ng UP, ATENEO, DE LASALLE COLLEGE, FEU, etc. para parangalan nila ako sa mga ginawa kong kontribusyon sa industriya," pagpapatuloy ni Nora.
Sa muli niyang pagkakatanggal, kinuwestiyon ni Nora ang layunin ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) at Cultural Center of the Philippines (CCP) kung bakit pa siya sinasali sa listahan at tatanggalin din naman.
"Muli, sa administrasyon ni Duterte nagkaroon na naman ng deliberation para sa hihiranging mga National Artist. Automatic na ang pangalang Nora Aunor sabi ng NCCA sa listahan ng tatanghaling National Artist. Hindi na ako kasama sa deliberation dahil dapat noong panahon pa ni Pnoy ay dapat daw ay ipinagkaloob na sa akin ang NA pero hindi nangyari. Dito ngayon sa administrasyon ni Duterte ay naulit uli ang pagtanggal ng pangalang Nora Aunor sa listahan ng National Artist. Tinanong ko na naman ang sarili ko...Ano ba ang NATIONAL ARTIST? Ano ang criteria ng NCCA at CCP para gawing National Artist ang isang tao? Bakit pa nila ako isinali rito kung hindi naman pala ako karapat-dapat? Kailangan bang sumipsip ka sa administrasyon para ipagkaloob sa iyo kahit hindi dapat na maging sa iyo?"
Aminado ang Superstar na nalungkot siya para sa kaniyang mga tagahanga na nagsusulong para bigyan siya ng parangal. Gayunman, tuloy pa rin daw ang buhay.
"Tulad ng sinabi ko dati pa ay kung maging National Artist man ako o hindi ay tuloy pa rin ang takbo ng BUHAY natin. Laking pasasalamat ko sa DIYOS na nakapagtrabaho pa rin ako ngayon at binigyan ako ng mga totoong mga tagahanga, ilang mga kaibigan na tunay na nagmamalasakit, nagtatanggol at nagmamahal ng walang katapusan. Nalungkot lang ako at sumama ang loob ko para sa mga Noranians at mga kaibigan na nagtulung-tulong, naniniwala at nakikipaglaban sa akin mula pa sa Tawag Ng Tanghalan hanggang ngayon. Ilang years na ba? 51 years na ang nakakaraan."
Sinabi ni Nora na hayaan na ang nangyari at ipaubaya na lang sa Itaas kung igagawad din sa kaniya ang pagiging national artist balang araw.
"Sa mga minamahal kong mga Noranians, mga kaibigan sa press na nagmamahal pa rin sa akin, hayaan na natin ang nangyari. Kung para sa atin ipagkakaloob din iyan ng Diyos sa tamang panahon at kung hindi para sa atin kahit anong pilit ang gawin natin Hindi NIYA ito ibibigay. Mas lalo kayong magkaisa, magkasundo, at magmahalan. Nadudurog ang puso ko para sa inyo. Kalimutan muna po natin iyan. Mag-move on na po tayo at magsimula po tayo uli para sa ating magandang layunin para sa ating kapwa."
Kasabay nito, sinabi rin ni Superstar na tanging ang Kapuso series na Onanay ang maiaalay niya sa ngayon.
"Ang ONANAY muna ang tanging maialay ko sa inyo na huwag kalilimutang panoorin. Iniaalay namin ito para sa inyo. MAHAL NA MAHAL ko kayong lahat."
Gumawa si Nora ng stage plays tulad ng Minsa'y isang Gamu-gamo (1991), Trojan Women (1994), DH (Domestic Helper) (1992) na ipinalabas din sa ibang bansa tulad ng Espanya at US.
Mayroon din siyang TV show na "Superstar" at drama series na "Ang makulay na daigdig ni Nora."
Ilan sa mga pelikula niyang isinali sa iba’t ibang film festivals sa abroad ay ang Flor Contemplation, Bakit May Kahapon Pa? at Thy Womb etc. Naging producer din siya sa ilalim ng sarili niyang movie outfit, ang NV PRODUCTIONS.
Ayon kay NCCA Chairman Virgilio Almario, kasama sa kanilang listahan si Nora Aunor, ngunit nasa kapangyarihan ng Pangulo ang mag-alis ng mga personalidad sa pagiging National Artist. — Jamil Santos/BM, GMA News
