Sa pagtatapos ng Kapuso fantaserye na Victor Magtanggol nitong Biyernes, inihayag ng cast nito na binabasa rin nila ang mga komento ng mga pumupuna sa kanila.

"We used it as motivation to prove them wrong. Andami kasing adjectives na kinabit sa 'Victor Magtanggol' in a good and in a negative way. Pero what really counts is, 'yun nga, aside from the story, aside from motivating kids and the audience, it's really more on the bond inside the group, na hindi na namin mina-mind 'yung negative comments or what," paliwanag ni "Hammerman" Alden Richards sa panayam sa kanila ng GMA News Online nitong Biyernes.

Tungkol sa mga kritisismo, sabi ni Alden, "Binabasa po namin pero parang...kasi ako, like on my end, babasahin ko 'yung comment. Ito bang comment na ito would get in the way for me to make good scenes in the soap opera? Is this gonna be in the way para magkulang 'yung pagtingin ko sa mga kasama ko sa set?'"

Sabi naman ng diyosa sa serye na si "Sif" Andrea Torres, "Dapat alam mo kung ano 'yung comment na ite-take mo, kunyari, puwedeng constructive criticism naman. Pero alam mo kung ano 'yung dapat deadmahin mo lang."

Sinegunduhan ito ni Alden. "'Yun ang word, deadma."

Ayon kay Alden, dapat unawain ng lahat ang mga nasa likod ng camera bago magbato ng puna.

"Parang 'yun din siguro 'yung learning sa lahat ng audience, hindi lang 'yung mga nagko-comment negatively sa mga show. Actually hindi lang sa 'VM,' sa mga show, hindi nila alam 'yung nangyayari behind the camera. Hindi nila alam 'yung hirap ng production, ng artista," saad ni Alden.

Paliwanag naman ni Janine Gutierrez, "Actually gusto ko lang naman sabihin na napakasuwerte din namin dahil kahit merong mga negative comments, sobrang daming positive comments at mga suporta, so du'n lang talaga kami nagpo-focus."

Sa pagtatapos ng Victor Magtanggol, aminado ang cast na pagiging sentimental ang nararamdaman nila ngayon.

"Senti!" sabi ni Andrea.

"Kasi parang may mga time na excited kami, na hindi na lang because of work eh, 'yung mga kasama mo, off camera," ayon naman kay Pancho Magno.

"'Yung mga off cam moments," dugtong ni Alden.

"'Yun ang mami-miss ko," sambit naman ni Janine.

Ayon pa kay Alden, "Nagda-drive ako pauwi nu'ng last taping namin, parang gusto ko silang tawagan lahat isa-isa. Gusto kong tawagan sabihin ko, 'Hindi, sepanx ako. Teka lang kausapin niyo pa ako, kausapin niyo muna ako.'"

"Mao-over 'yung lungkot, siyempre hindi na kami magkakasama-sama everyday. Pero siguro mas masarap kasi you're reading the tweets, the comments of the people, 'yung feedback sa show, mas big deal sa amin 'yung impact na nagawa namin sa pang-araw-araw nila during the airing of Victor Magtanggol every night," dagdag niya.

Samantala, nagbigay naman ng hint si Janine sa kalalabasan ng ending ng serye, "Marami pong mamamatay, marami ding magkakatuluyan."

Sabi naman ni Alden, "May mga mabubuhay din tapos may babalik sa normal, tapos makikita nila 'yung purpose kung bakit 'yun 'yung naging journey ni Victor Magtanggol." --FRJ, GMA News