Matapos sandaling mapanood bilang si Nathan at Catriona sa "Asawa Ko, Karibal Ko," may pagbibidahang bagong Kapuso series ang aktor na si Jason Abalos.


Sa Star Bites report ng "Balitanghali" nitong Miyerkoles, sinabing makakasama ni Jason sa bago niyang proyekto ang kaibigang si Mark Herras.

Parehong produkto ng reality talent search, excited ang dalawa sa pagbibidahan nilang serye. Ito rin umano ang unang pagkakataon na magkakatrabaho ang dalawa.

Makakasama nila sa upcoming teleserye sina Max Collins at Kim Domingo.

Marami ang humangan kay Jason sa pagganap niya sa "Asawa Ko, Karibal Ko," bilang si Nathan na may lihim na pagkatao bilang isang bading na si Catriona.

Nawala na sa serye si Jason nang tuluyan na siyang magpalit ng pagkatao bilang babae na si Venus Hermosa, na ginagampanan na ngayon ni Thea Tolentino. -- FRJ, GMA News