May pahabol na achievement this 2018 ang young Kapuso actress na si Kyline Alcantara matapos siyang mapabilang sa "most searched female personality," ayon sa Google trends.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing speechless si Kyline nang malaman niyang pang-lima siya sa "most searched female personalities" sa bansa.

Nauna kay Kyline sina Duchess Meghan Markle, Nancy ng Momoland, Hailey Baldwin at ang grupong Momoland.

"Maraming-maraming salamat, grabe. Thank you. Hindi ko po alam kung ano sasabihin ko kasi ngayon ko lang siya nalaman. Grabe, wow, thank you, I love you my sunflowers!," tawag ni Kyline sa kaniyang fans.

Ang rap group na Ex Battalion naman ang most searched Filipino male personality sa bansa.

Samantala, muling nasubukan ang galing ni Kyline sa pag-arte sa pagganap niya sa special anniversary episode ng "Wish Ko Lang" na may pamagat na "Sumpa?"

Ginagampanan ni Kyline ang papel ng dalagitang naging tagapagtanggol ng tatlong pinsang dumanas ng panlalait at pang-aapi dahil sa kakaiba nilang hitsura.

"Isa po itong totoong istorya so kailangan ko talaga, like, mag-stick to the character. Kinausap ko talaga like 'yung family," sabi ng aktres.

Natutuwa si Kyline na ipinagkatiwala sa kaniya ang mapanghamong papel na ito.

"Medyo naubos 'yung luha ko, kasi, well, nakakaiyak naman po talaga 'yung story niya kasi 'yung nga po, tinutukso po 'yung mga bata sa hitsura nila," kuwento niya.

Nakikiisa raw si Kyline sa anti-bullying campaign kaya tamang-tama ang pagdating ng role na ito.

Mapapanood ang "Wish Ko Lang" sa Sabado.-- FRJ, GMA News