Sa kaniyang pagbabalik-tanaw sa mundo ng pageant, binalikan ng beauty queen na si Miriam Quiambao ang pagkakadapa niya habang rumarampa sa Miss Universe pageant noong 1999. Sa kabila ng nangyari, pinalakpakan pa rin siya ng mga tao.

Sa  programang "Tunay Na Buhay," sinabing ipinanganak noong May 20, 1975 si Miriam at panganay sa dalawang magkapatid. Bata pa lang, nakitaan na raw si Mariam ng potensyal na maging beauty queen. Noon pa man ay mahilig na rin umano siyang manood ng Miss Universe.

Nagtapos si Miriam ng BS Physical Therapy sa University of Santo Tomas dahil sa pangarap niyang maging duktor. Bukod dito, nakasali rin siya sa Mr. and Ms. Thomasian Personalities noong 1996.

Taong 1999 nang sumali siya sa Binibining Pilipinas, at suwerteng manalo bilang Bb. Pilipinas World 1999. Noong una'y kinailangan pa niyang mamili sa pagitan ng pageant at board exams.

Nag-iba ang ihip ng hangin nang bawian ng korona si Bb. Pilipinas Universe 1999 Janelle Bautista at si Miriam ang napiling kumatawan sa Miss Universe pageant.

Inalala ni Miriam kung bakit siya pinalakpakan ng mga tao kahit natapilok siya habang rumarampa.

"Dahil bagama't ako'y nadapa, ako po'y bumangon. And nakuha 'yon ng mga judges, napansin nila 'yung grace, 'yung courage with which I carried myself," sabi ni Miriam sa panayam ng host na si Rhea Santos.

Hindi man naiuwi ni Miriam ang korona sa Miss Universe, pumasok naman sa kaniya ang maraming oportunidad. Naging host siya ng mga GMA shows tulad ng "Unang Hirit" at "Extra Challenge" kasama si Paolo Bediones.

Ikinuwento rin ni Miriam kung bakit sa kabila ng tagumpay niya sa showbiz ay bigla niya itong iniwan at nagpasyang pakasalan ang nobyong Italian businessman. Panoorin ang buong panayam kay Miriam sa video na ito.

--FRJ, GMA News