Marami ang naantig sa mga pinakabagong eksena sa "My Special Tatay," kung saan hindi tinupad ni Aubrey ang pangako niya kay Boyet na hindi na magiging "pokpok" dahil sa kagustuhang kumita para sa kanilang anak na si baby Angelo.



Sa Star Bites report ni Cata Tibayan sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Biyernes, sinabing maraming manonood ang nadala sa magaling na aktingan nina Ken Chan [Boyet] at Rita Daniela [Aubrey].

Sa naturang episode, ni-raid ang pinagtatrabahuhang cyber sex den ni Aubrey, at damay sa pagkakaaresto si Boyet. Nalaman ni Boyet kalaunan na muling binibenta ni Aubrey ang kaniyang laman online para kumita ng pera.

Matapos nito ay ang matindi nilang iyakan kung saan humihingi ng patawad si Aubrey ngunit hindi naitago ni Boyet ang kaniyang galit.

Pero sa kabila ng mga nangyari, ipinagtanggol pa rin ni Boyet si Aubrey mula sa panunumbat ng ina nitong si Myra.

Maraming netizens ang napaiyak, at isa sa mga trending topics sa Twitter noong araw ang #MSTKalaboso.
 



Kuwela naman ang behind the scenes nina Ken at Rita matapos ang matinding iyakan nila sa eksena.
 



--FRJ, GMA News