Nagsimula na ang ilang pre-pageant event ng 47th Miss Intercontinental na ginaganap sa Pilipinas pero hindi pa dumadating ang lahat ng kandidata. Kabilang sa inaabangan ang pambato ng Albania at Kosovo--ang kambal na kalahok na nagkahiwalay noong mga sanggol pa sila.

Sa ginanap press presentation na ginanap sa Pasay City, rumampa at ipinakilala ang ilan sa mga kalahok sa pangunguna ng pambato ng Pilipinas na si Karen Gallman, ayon sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes.

Sa naturang event, iginawad kay Karen ang dalawang special awards na Media Favorite at Stand-Out Beauty.

Natutuwa raw si Karen na siya ang nagiging hingian ng tulong at tanungan ng mga kapwa niya kandidata tulad sa kung saan magandang mamasyal sa Pilipinas.

"Of course, Palawan, Boracay, Bohol where I'm from and also dito din sa Manila," saad niya.

Siyamnapung kandidata ang kalahok sa kompetisyon at ang iba sa kanila ay padating pa lang umano. Kabilang sa kanila ang kambal na sina Arvanita at Arjanita Peci na kumakatawan sa Albania at sa Kosovo.

Nagkahiwalay daw noon ang kambal noong sanggol pa lamang sila dahil sa giyera sa Kosovo. At ngayon, magiging magkaribal sila para masungkit ang korona bilang Miss Intercontinental.

Pero kahit magkaribal sa kompetisyon, makikita naman sa kanilang mga larawan na magkasundong-magkasundo ang kambal.

Gaganapin ang grand coronation night ng Miss Intercontinental sa Enero 26 sa MOA-Arena. --FRJ, GMA News