Dinaluhan ng ilang Kapuso stars sa baby shower na ginawa para sa first baby nina Rochelle Pangilinan at Arthur Solinap. Ang mag-asawa, may listahan na raw ng pangalan na pagpipilian.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa "24 Oras" nitong Lunes, ikinuwento ni Rochelle na mas malikot na ang baby sa kaniyang sinapupunan.

"Mas naramdaman ko na, mas gumagalaw na siya ngayon, mas malakas sobra so excited na 'ko," sabi ni Rochelle.

Dugtong naman ni Arthur, "At saka 'di ba 'pag boses ko naririnig niya gumagalaw talaga."

Inihayag din ng mag-asawa na may listahan na sila ng mga pangalan na kanilang pinagpipilian sa kanilang magiging baby girl.

Ayon kay Rochelle, naging magaan at hindi maselan ang kaniyang pagbubuntis kaya naman nakakapag-taping pa siya ng "Onanay."

"VIP treatment din ako sa 'Onanay' ang sarap... ang sarap-sarap. Wala akong sampalan today 'di ba? Itong mga panahon na ito," sabi ni Rochelle.

"At saka maganda dun ako yung nakabuntis sa kaniya sa story," ayon kay Arthur, na todo-alalay din sa asawa na ibinigay daw ang mga pinaglilihihan.

"Kunwari may gusto siyang food, for example yung camote cue, ayaw niya yung binibili gusto niya ako yung gumawa. So naka-document yun sa phone ko na talagang ako nagluto," kuwento ng aktor.

Kabilang sa mga dumalo sa baby shower sina GMA Entertainment Group SVP Lilybeth Rasonable, ang mga co-star ni Rochelle sa "Onanay," at ang mga katrabaho ni Arthur sa "Pepito manaloto," at iba pang Kapuso stars.-- FRJ, GMA News