Nakakaaliw man ang mga naglalabasang "memes" sa social media tungkol sa kambal na karakter nila sa "Kara Mia," sinabi nina Barbie Forteza at Mika dela Cruz, na hindi madali ang kanilang ginagawa para magampanan ang kanilang role na magkabilaan ang mukha sa iisang katawan.

"Basta ibang klase siyang hirap, mas teknikal. Hindi siya 'yung prosthetics, hindi siya 'yung make-up," sabi ni Barbie sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Martes.

Ayon naman kay Mika, "Physically demanding siya sa amin ni Barbie po dahil kailangang sukat, laging perfect in everything po."

Hindi man madali, excited daw ang dalawa sa mga eksenang ipinagawa sa kanila ng kanilang direktor na si Dominic Zapata.

"Ang maganda naman po kay direk Dom, wala siyang tinatratong malaki or maliit na eksena, Lahat talaga, maximum effort," saad ni Barbie.

"May mga nakita na kaming konting eksena na nagawa namin sa last taping, and so far nagulat ho kami na mukha talaga siyang totoo," dagdag naman ni Mika. --FRJ, GMA News