Hindi pa man naipapalabas, usap-usapan na ng netizens ang bagong Kapuso series na "Kara Mia" dahil sa kakaibang kondisyon ng kambal na iisa ang katawan at magkabilaan ang mukha. Ayon sa cast at producers ng serye, susubukan nilang sagutin ang maraming katanungan tungkol sa pisikal na hamon sa gawain ng kambal.
Sa press launch ng "Kara Mia" nitong Huwebes sa Quezon City, aminado si Barbie Forteza (Kara) na maski sila ni Mika dela Cruz (Mia) ay napatanong din noong una kung paano mabuhay ang tao na dalawa ang ulo.
Barbie Forteza, Jak Roberto, Mika dela Cruz and Paul Salas at the press launch of “Kara Mia.” @gmanews pic.twitter.com/ySEjkoHw3I
— Jamil Santos (@Jamil_Santos02) January 24, 2019
Batay na rin ito sa naging reaksyon ng netizens na makikita sa mga viral meme.
"Ang galing! Ang galing ng mga naisip nilang ideas kasi parang kahit kami, 'yung tanong naming dalawa ni Mika sa istorya namin, 'Paano maligo? Paano matulog? Paano mag-drive? Paano ma-in love? Lahat sila ganoon din 'yung concern nila," saad ni Barbie.
Barbie Forteza and Mika dela Cruz admit doing “Kara Mia” is a challenge for them. @gmanews pic.twitter.com/j4ImHf7dYn
— Jamil Santos (@Jamil_Santos02) January 24, 2019
"At saka 'yung memes, 'yung mga trailer, ang gagaling, pinag-e-effort-an talaga nila. At saka feeling ko inaabangan din talaga nila 'yung 'Kara Mia.' Kaya nakakatuwa kasi hindi pa man kami pinapalabas, kalat na kalat na sa Facebook ang Kara Mia, na wala kaming ginagawa, puro sila lang, kaya ayun, nakakatuwa," dagdag pa ni Barbie.
Inihayag naman ng program manager na si Hazel Abonita na tinatanggap nila ang hamon na sagutin ang palaisipan ng mga netizen sa kondisyon nina Kara at Mia sa pamamagitan ng series.
"Actually, we compiled the FAQs tapos as much as we could tina-try namin silang i-address within the story kasi in partnership with the social media and web team. Para alam nilang pinapakinggan namin sila," ayon kay Abonita.
"It's part of our strategy, engagement with the audience. Basically ang gusto kasi namin is maramdaman nilang inclusive ang show. Gusto namin na sila i-involve, gusto naming iparamdam sa kanila na, 'Uy nakikinig kami sa inyo, tinanong niyo kung paano sila mag-toothbrush, oh ito ha, sasagutin namin sa show. Tinanong niyo kung paano sila magsabunutan, ganito,'" dagdag pa ni Abonita.
"Actually na-realize namin as producers, na whether it is a good or a bad reaction from the audience, it's still better than nothing. So 'yung mga negative, as much as we could, we try to keep an open mind and iniisip pa namin kung paano sila sasagutin or bibigyan ng response," patuloy ni Abonita.
Ikinuwento ni Mika ang mga hamon sa pagganap bilang si Mia, ang mukha sa likod ni Kara.
"Aside sa acting and aside sa sukat and sa pagod, sa akin, tina-try kong praktisin is, gawin lahat pabaligtad. Tumatakbo pabaligtad, minsan 'pag nasa bahay ako, tina-try kong maglakad pabaligtad. Actually, more on pagod ako physically after the taping kasi 'yung dibdib ko naka-chest bind. Naka-binder po ako tapos para magmukhang likod, kailangan lagi akong nakaganiyan," paliwanag ni Mika na itinatago ang kaniyang mga braso.
Magandang senyales aniya ang mga naglabasang memes na tatangkilikin din ito ng mga tao, para kay Jak Roberto, isa sa mga leading man sa series.
"For me 'yung entertainment na maibibigay namin sa audience is 'yung buhay mismo ni Kara Mia. Kasi magandang sign na 'yung maraming lumabas na memes, madaming question kung paano natutulog, kung paano nagtu-toothbrush or paano pa ang ibang gawaing bahay. Dito sa show na ito, 'yun ang aabangan mo, kung ano ba ang buhay nila mismo," sabi ni Jak. -- FRJ, GMA News
