Mapapasabak naman ngayon sa comedy si Kapuso star Bea Binene, dahil kabilang siya sa family-oriented movie na "Ang Sikreto Ng Piso."

Ang pelikula ay base sa mga tunay na pangyayari noong 2006 kung saan nagkaroon ng smuggling ng Philippine peso coin o piso.

Iikot ang kuwento kay Ronnie (Ariel Rivera) na kailangang magsakripisyo para sa kinabukasan ng kaniyang asawa (Gelli De Belen) at nag-iisang anak na babae.

Mapipilitan tuloy siyang tumanggap ng kakaibang trabaho na nangangako ng mataas na sweldo, kung saan kailangan niyang humalungkat ng maraming piso. Saka niya malalaman kung bakit kailangan i-smuggle ang mga ito sa abroad.

Makakasama ni Bea ang balik-tambalang sina Gelli De Belen and Ariel Rivera matapos ang 22 taon.

Bukod dito, kasama rin sa cast sina Lou Veloso, Long Mejia, Ricky Rivero, Beverly Salviejo, at Wacky Kiray.

Si Bea ay gaganap bilang si Leonor Guevarra, isang maganda at mabait na grade school teacher at malapit sa kaniyang mga estudyante.

May-ari ang kaniyang mga magulang (Ricky Rivero at Joyce Peñas Pilarsky) ng isang junkshop business at kakompitensya ng pamilya Biglang-Awa (Ariel-Gelli).

Kuwento ni Bea, sumabak na raw siya sa Peso Challenge noong nakaraang taon at may goal na makaipon ng P50,000. Ngunit sa hindi inaasahan, siya'y nabigo at nakaipon lamang ng P1,500.

Mula sa panulat nina Perry Escaño at Robert "Abet" Raz at sa direksyon ni Perry Escaño, "Ang Sikreto Ng Piso" ay produced ng JPP Dreamworld Productions at MPJ Entertainment Productions.

Ipapalabas "Ang Sikreto Ng Piso" ngayong ika-30 ng Enero sa mga sinehan. — Jamil Santos / AT, GMA News