Ikinuwento ng nagbabalik-Kapuso na si Edgar Allan "EA" Guzman na minsan na niyang naisip na huwag nang gumawa ng mga action project dahil sa isang eksena sa taping na muntik nang madisgrasya ang kaniyang mata.
Sa panayam kay EA sa GMA Network nitong Huwebes, nang pumirma siya ng kontrata bilang Kapuso, sinabi ng aktor na muntik nang tamaan ng pekeng bala ang kaniyang mata na ginamit niya sa isang eksena.
EA Guzman, opisyal nang Kapuso sa pagpirma niya ng kontrata sa GMA Network nitong Huwebes. @gmanews pic.twitter.com/KXxXyz2Bpm
— Jamil Santos (@Jamil_Santos02) January 31, 2019
"Hindi naman near-death, kumbaga, 'yung fake na baril sa taping [hindi sa GMA]," panimula niyang kuwento. " Kagigising mo lang, barilan. Paglabas ko sa kotse ng pulis, pagganu'n ko (pagsilip sa baril), dito (tinuturo ang kanang mata), pagputok, pak! tumalsik. Muntik na 'yung mata ko."
"'Yung fake na bala. 'Di ba meron din sa loob 'yun? So 'pag pumutok siya napipipi siyang ganu'n eh, so lumalabas 'yung sa loob, kahit 'yung fake sa mga taping. Kinakasa pero 'pag lumabas siya, para siyang bala na totoo 'di ba?" dagdag ni EA.
Dahil dito, halos ayawan na raw niya ang mga project na may aksyon.
"Sabi ko talaga 'Ayoko na, ayoko nang mag-action, ayoko nang magbaril, hindi na ako hahawak. As in muntik na talaga, 'yung pulbura, patalsik talaga dito [sa mata]."
Pasasalamat ni EA, mabuti na naisara niya agad ang kaniyang mata kaya hindi pumasok ang talsik ng bala.
"Buti nag-close siyang ganu'n. Buti hindi ako nabulag or hindi [tinamaan] ang mata ko. 'Yun na 'yun, sabi ko 'Last na ito, last na action ko na ito, ayoko nang mag-action."
Hindi naman daw lubos na na-injured ang mga mata ni EA at tinapos pa rin niya ang eksena.
Sa kabila ng lahat, itinuturing daw ni EA na learning experience ang nangyari.
"Pero sabi ko, hindi ko puwedeng hindian, hindi ko puwedeng hindian 'yung mga projects with action, so kailangan kong harapin," saad niya.
Ganap na muling Kapuso
Nitong Huwebes, ganap na muling Kapuso si EA matapos siyang pumirma ng kontrata sa GMA Network. Kasabay nito, ipinaliwanag niya kung bakit ito ang kaniyang naging desisyon.
"Para sa akin, kaya ako bumalik sa GMA, kasi, kumbaga, gusto kong bumalik sa bahay, kung saan ako nagmula. And marami akong pinagdaanan sa career ko, marami rin akong nalipatang networks. Para sa akin, gusto kong ibalik 'yun du'n sa kung saan ako nagmula, and gusto kong ituloy ang career ko dito. That's why I chose GMA because I know they have a big room para sa akin, I know they have a big heart para sa akin," saad ni EA.
Matatandaang nanalo si EA bilang Mr. Pogi 2006 ng "Eat Bulaga" at nanatili sa Kapuso Network hanggang 2008. Matapos nito, lumipat na siya ng ibang networks.
Ngunit nagbalik-Kapuso siya noong 2017 at napanood sa "My Korean Jagiya," bagama't wala pang opisyal na kontrata.
Paliwanag ni EA, "'Yung big room na sinasabi ko it means na tinatanggap nila ako ng buong palad na, I mean, nakita nila 'yung tinahak na career ko. So dito sa GMA, parang nakita nila 'yung importansya, na kaya kong gawin, kaya kong ipakita rin dito 'yung talent ko, especially sa pag-arte, kaya ito ang pinili ko. And ang sarap lang kasi, bumalik ako doon sa pinagmulan ko."
"Parang 'Eat Bulaga', dito ako nanalo, nandito ako, Kapuso ako before, so 'yun ang alam ng tao. 'Yung ngayon, ito ulit 'yung malalaman ng tao," dagdag pa ni EA.
Inihayag ni EA na isa sa mga rason niya ay ang "maalagaan nang maayos."
"Actually last year pa naman ako nandito, pero last year ko lang din na-realize na gusto kong magpa-sign up with Artist Center, kasi gusto kong maalagaan nang maayos. Kumbaga, gusto kong masama du'n sa mga big stars dito sa GMA, gusto kong matingala din."
Sariling desisyon daw ni EA ang pagbabalik sa GMA.
"Lahat naman tayo may gusto sa buhay, may plano sa buhay, may dream sa buhay. So para sa akin, this year, this time. I'll make my decision for myself, not anyone else, kumbaga ako 'yun. Ito, desisyon ko 'to. Kaya itong GMA 'yung pinili ko."
Sinamahan si EA na pumirma ng kontrata ng kaniyang manager na si Arnold Vegafria, Senior Vice President for GMA Entertainment Content Group Lilybeth Rasonable at Senior Assistant Vice President for Alternative Productions Gigi Santiago-Lara. -- FRJ, GMA News
