Nagpaalala si Barbie Forteza sa mga establisimyento laban sa taong nagpapakilalang bago niyang personal assistant at umo-order umano ng mga pagkain gamit ang pangalan ng aktres.
Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing naalarma si Barbie nang makatanggap siya ng tawag nitong Lunes mula sa kaniyang handler nang may dumating na dalawang kahon ng pastries sa opisina ng GMA Artist Center na para daw sa kaniya.
Ang naturang mga pagkain, galing sa isang pastry shop na inorder diumano ng isang nagngangalang Myrna Marquez, na nagpakilala raw na bago niyang P.A.
Tinawagan umano ng handler ni Barbie ang may-ari ng shop at doon nila nakuha ang pangalan ng isang Myna na nagpakilalang P.A. ng "Kara Mia" star, at sinabing nais daw ng aktres matikman ang pastries ng shop.
Dahil nasa delivery receipt ang numero ni Myrna, sinubukan din daw itong tawagan ng handler ni Barbie, at muli raw itong nagpakilalang bagong PA ng aktres.
"Wala talaga akong at all na kilalang Myrna Marquez. Wala akong bagong assistant at saka yung sinend lang sa'kin yung picture ng cookies at saka ko lang sinearch sa social media kung saan," paliwanag ni Barbie.
Napag-alaman pa na tumawag ang pastry shop owner sa handler ni Barbie, at sinabing nais ng nagpakilalang Myrna Marquez na dalhin na lang ang pastries sa isang hotel kung nasaan daw ang aktres dahil may presscon.
Pero sabi ni Barbie, nang sandaling iyon ay nasa bahay lang siya.
Sinubukan ng GMA News tawagan at i-text ang numero ng nagpakilalang si Myrna Marquez na nakalagay sa delivery receipt pero hindi siya sumagot.
"Baka hindi lang niya sa akin ginagawa, baka hindi lang pagkain ang hinihingi niya. Worse baka pera, baka hindi lang ako yung artistang ginagamit niya yung ganun," pangamba ni Barbie.
Paalala ni Barbie sa mga shop o may-ari ng mga business na nais magbigay ng kanilang mga produkto, makabubuting direktang makipag-ugnayan sa kanila kahit sa kanilang verified na social media accounts para hindi sila mabiktima ng mga nagpapanggap na tauhan niya.-- FRJ, GMA News
