Kahit mommy na, isa pa rin sa mga dahilan kung bakit nagpapa-sexy si Diana Zubiri ay para sa kaniyang male fans na patuloy na sumusuporta sa kaniya.
Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Martes, natanong si Diana kung bakit mayroon siyang "body goals."
"Kailangan eh. I think I owe it to my male fans," natatawa niyang tugon.
"Hindi kasi 'di ba, ayoko rin naman silang ma-disappoint. Nakilala naman ako as, you know, pagpapa-sexy before. Siyempre gusto ko pa rin na kahit paano, kung paano nila ako before nakilala. Even though I am a mom na, ganu'n pa rin," dagdag ng sexy actress.
Ang isa pang hot mom na si Katrina Halili, muli ring pinag-usapan dahil sa kaniyang mga sexy photo kamakailan.
Nag-post siya matapos ipagdiwang ang kaniyang ika-33 kaarawan.
"Ang pinaka-secret diyan maging confident ka, 'di ba? Maging confident ka na maganda ka, na sexy ka ikaw mismo dapat maniwala sa sarili mo. Dahil 'pag hindi, paano sila maniniwala?," sabi ng "Toda One I Love" star.
"Minsan nga nadadaya mo na eh, hindi naman pala siya sobrang payat, hindi naman pala siya sobrang ganda or hindi naman pala siya sobrang fresh, pero 'pag nakita mo, ang fresh. Kasi feel niya eh, 'di ba?," patuloy ni Katrina.
Nagpapa-sexy naman daw si Aubrey Miles para maging malakas para sa pamilya.
Kapapanganak lang ni Aubrey nitong Disyembre ngunit fit nang muli, kasama na rin ang asawa niyang si Troy Montero.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News
