Inihayag ni GMA News and Public Affairs pillar Jessica Soho na nananatiling makatotohanan ang programa niyang "Kapuso Mo, Jessica Soho" bilang tugon sa ilang mga puna, tulad sa nangyari sa paranormal investigator na si Ed Caluag.

Matatandaan na ilang paksa ang tinalakay ng "KMJS" na hinihinalang may nangyayaring paranormal activity kaya isinama ng programa sa pagsasaliksik si Caluag.

Isa sa mga episode na ito ang umano'y "ghost ship" sa Lazi, Siquijor na bigla raw lumilitaw at nanawala sa laot.

Sa pagsusuri ni Caluag, naniniwala siya na may kakaiba siyang nararamdaman sa pangyayari pero sa patuloy na pagsusuri ng programa, natuklasan na totoong barko ang lumilitaw na MV Filipinas Iligan.

Dahil ilang beses na iba ang pananaw ni Caluag sa mga isinagawang imbestigasyon sa resulta ng pagsusuri ng ibang dalubhasa o mga awtoridad, lalong pinag-usapan online ang paranormal investigator, hanggang sa punto na may mga nagba-bash pa kaniya.

Sa contract signing ni Jessica sa Kapuso Network nitong Miyerkoles, ipinaliwanag niya na binigyan ng "KMJS" ng pagkakataon si Caluag na magpaliwanag at idepensa ang sarili.

 

 

"Kami, we just have to be truthful. Nakita niyo naman doon sa storytelling, sinabi niya ganito, pero later on, hindi pala. So then we ask him,  'Oh hindi naman pala.' Pero of course, we do it in a way na hindi naman siya 'yung talagang makabawi. We always have to give the person a fair share eh," paliwanag niya.

"So how do we react? Wala, we just have to be truthful. And then he wanted more time to explain himself, so we gave him the time to explain himself. Ganu'n lang 'yon," saad pa ng award-winning broadcast journalist.

Ipinaliwanag din ni Jessica ang pagkakaiba ng isang news program sa isang news magazine tulad ng "KMJS."

"We try as much as possible... iba kasi 'pag sa news eh. May news pa rin, information pa rin ang value ng programa pero siguro, hindi 'yung dikdik kasi sa news, minsan ganu'n eh, 'di ba? May public interest kasi na mas premium sa news stories. Pero for a program like 'Kapuso Mo, Jessica Soho' which is a news magazine, then mas may leeway kami siguro to give the other person more chance to explain his position," paliwanag niya.

Ganoon nga ang kanilang ginawa, kaya itinampok nila ang buhay ni Ed at ang tugon nito sa mga bumatikos sa kaniya.

"Kasi wala namang public interest masyado na at stake. Meron din, for the truth, pero, not to the extent na, 'Ah sige! Hindi ka na makabangon!' Hindi kami ganoon," saad niya.

Minarkahan ni Jessica nitong Miyerkules, Marso 13, ang kaniyang ika-34 taon bilang Kapuso matapos na muling pumirma ng kontrata sa GMA Network. -- FRJ, GMA News