Bibida ang Kapuso stars na sina Tom Rodriguez, Inah de Belen, at Jasmine Curtis-Smith sa horror film na "Maledicto," ang pinakaunang lokal movie na ginawa ng Fox Networks Group Philippines (FNG).
Gagampanan ni Tom ang role ni Father Xavi, isang dating psychologist na magiging exorcist na may mga pagdududa dahil sa nangyaring pagkamatay ng kaniyang kapatid na si Mara.
Si Inah naman ang gaganap bilang si Mara.
Makikilala ni Father Xavi si Sister Barbie, na gagampanan ni Jasmine, isang batang madre na may biyaya ng karisma.
Haharapin nila ang kaso ni Agnes, gagampanan ni Miles Ocampo, na normal na teenager sa una ngunit magpapakita ng mga mala-demonyong pagkikilos na yayanig sa kanilang pananampalataya.
Kasama rin sa cast sina Eric Quizon, Martin Escudero, Franco Laurel, Nonie Buencamino, Liza Lorena, at Menggie Cobarrubias.
Sa direksyon ni Mark Meiley, ang "Maledicto" ay co-produced din ng Cignal Entertainment.
Ipalalabas ang "Maledicto" sa mga sinehan sa darating na Mayo. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News
