Mapapanood sa kani-kanilang movie entries ang ilang Kapuso star sa gaganaping Pista ng Pelikulang Pilipino ngayong 2019. Kabilang dito sina Gabbi Garcia at Martin del Rosario.

Sa Starbites report ng GMA News TV "Balitanghali" nitong Biyernes, sinabing inanunsyo na ng Film Development Council of the Philippines, ang unang tatlong pelikulang mapapabilang sa film festival.

Kabilang dito ang peikulang "LSS" na pinagbibidahan nina Gabbi Garcia, Khalil Ramos at indie band na Ben & Ben.

Sa unang pagkakataon naman, magsasama ang "Die Beautiful" at "Born Beautiful" sisters na sina Paolo Ballesteros, Christian Bables, at Martin del Rosario, para sa pelikulang "Panti Sisters."

Temang sexy naman ang isa pang entry na "Cuddle Weather."

Mapapanood ang mga pelikulang kalahok sa PPP sa mga sinehan sa September 12 hanggang 18.

Nitong nakaraang taon, walong pelikula ang ipinalabas sa PPP, kabilang ang "Signal Rock," na naging pambato ng Pilipinas sa Best Foreign Language Film sa Oscars. --FRJ, GMA News