Isang consistent na honor student sa eskuwelahan, 14 taong gulang si Martin del Rosario nang magkaroon siya ng pagkakataong makapasok sa showbiz. Dahil dito, siniguro niya ang nag-aalinlangang pamilya na hindi pababayaan ang pag-aaral sa kabila ng pagiging artista.

"Sabi ko, 'Sigurado ka? Eh grabe ang load mo sa school, you're running for honors.' Ganito, ganiyan. 'You're an outstanding student. Paano mo gagawin?' Sinabi niya sa akin na 'Sige mama, pero matatanggap niyo ba 'yung time na tanungin ko sa inyo, Ano na kaya ako ngayon kung pinayagan niyo akong mag-artista?' So 'yun ang malaking tama sa amin," kuwento ng ina ni Martin na si Tet del Rosario sa "Tunay Na Buhay."

"So we struck a deal, sabi niya sa amin, 'I'll give you good grades,' sabi niya. Kapag naapektuhan 'yung grades ko, kapag nahirapan ako, then I'll be the one, ako mismo ang magku-quit,'" dagdag pa ni Tet.

Kuwento naman ng beteranang aktres na si Ces Quesada na tiyahin ni Martin: "Ironically sa aming family ako 'yung humindi. Alam ko how hard it is na nasa industriya ka. In-assure naman niya ako na 'Nanay, like this, like that, like that,' tapos sabi ko 'Sige.' Finally sabi ko 'Sige, I'll give you my support, provided,' I said, 'Wala akong maririnig na masama sa mga co-workers mo, kasi kung papasok ka sa industry, gusto ko seryosohin mo.' And I'm very, very happy naman na he exceeded my expectations."

Ipinanganak si Martin noong Nobyembre 25, 1992 at ikalawa sa tatlong magkakapatid.

Hindi inakala ng kaniyang pamilya na papasukin ni Martin ang showbiz. Nagsimulang magmodelo si Martin noong limang taong gulang sa print ads at sa TV commercials.

Hindi agad tumuloy si Martin sa pag-aartista kaya pinagtuunan niya muna ng pansin ang pag-aaral. Bilang isang honor student, nakapag-uwi si Martin ng samu't saring mga medalya.

"Gusto kong maging doctor. Kasi bata pa lang ako, fascinated ako with human anatomy. Dati noong bata ako, kung 'yuung iba mahilig sa cars, ako mahilig ako sa books, and sa mga slime mga spiders. Nagko-collect ako ng mga animals," saad ni Martin.

Kumuha si Martin ng kursong Mass Communication sa University of the Philippines nang makatapak sa kolehiyo.

Napanood si Martin sa Kapuso shows na Rhodora X (2014), Pari 'Koy (2015), Buena Familia (2015), Pinulot Ka Lang sa Lupa (2017), Mulawin vs Ravena (2017). Napanood naman siya sa mga pelikulang Dagim (2010), Dagitab (2014), at upcoming na The Panti Sisters (2019). —Jamil Santos/JST, GMA News