"Ang galing!”  Ito ang nabanggit ni Jennylyn Mercado habang pumapalakpak nang hingan ng reaksyon sa pagiging magna cum laude at pagtatapos sa kolehiyo ng kapwa niya Kapuso na si Yasmien Kurdi.

Sa artikulo ni Rommel Gonzales sa PEP.ph,  “Sobrang proud ako sa kaniya.

“Nagkaka-text kami, palagi kaming nagkaka-message-an.

“Napakasipag niya," ani Jennylyn.

Nitong nakaraang April 6 nakamit ni Yasmien ang kaniyang diploma sa kursong Political Science mula sa Arellano University.

Ayon kay Jennylyn, sadyang napakahirap pagsabayin ng pag-aaral at pagta-taping.

“Kasi ako, pagka nag-taping, kinabukasan talagang hihiga na lang ako sa sobrang pagod," aniya

“Pero siya nagre-review, pumapasok sa school. Kaya sobrang proud ako sa kaniya,” patuloy ng aktres.

Si Jennylyn ang pinakaunang Ultimate Female Survivor ng StarStruck at si Yasmien ang First Princess niya sa unang season ng naturang artista search ng GMA noong 2003.

Male counterparts nila sina Mark Herras at Rainier Castillo.

Mapapanood si Jennylyn sa bagong Kapuso series na "Love You Two," kung saan kasama niya sina Gabby Concepcion, Shaira Diaz , Solenn Heussaff, Jerald Napoles at Nar Cabico. -- For more showbiz news , visit PEP.ph