Isa sa mga sikat na banda ngayon na patok sa mga millennial ang "Ben & Ben." Ano nga ba ang sikreto ng kanilang tagumpay?
"Maybe The Night," "Leaves," "Ride Home" at "Kathang Isip," ilan lang 'yan sa hit song ng 9-member folk collective group na "Ben & Ben," ayon sa Star Bites report ni Cata Tibayan sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Biyernes.
Kahit dalawang taon pa lang ang grupo, sikat na sikat na ang grupo at swak sa panlasa ng mga kabataan ang kanilang mga awitin.
Ang ilan pa nga sa kanilang mga kanta, naitampok pa sa pelikula.
"It really is the dream pero none of us really thought it is actually possible," sabi ni Miguel Guico.
"Kasi iba-iba ang pinanggalingan ng lahat," dagdag naman ni Paolo Guico.
Nang tanungin kung bakit nga ba patok ang kanilang mga kanta?
"We also take it as a challenge na galingan namin kasi gusto mabigyan kung anong art at mensahe deserve ng kabataan," ayon kay Miguel.
Sabi naman ni Paolo, "Lagi namin gustong kumanta about hope kasi its everyone needs nowadays. After hearing the music it takes them to a better place."
Simple lang naman umano ang mensaheng nais nilang ipahatid sa kabataan lalo na pagdating sa pag-abot ng kanilang mga pangarap.
"Surround yourself with the right people who share the same vision values," ayon kay Toni Munoz.
"'Di mo kailangang baguhin sarili mo para lang mag-fit in sa gusto ng tao sa gusto ng society," saad pa ni Paolo. -- FRJ, GMA News
