Sinabi ni Bianca Umali na itutuloy niya ang pagpasok sa kolehiyo kahit busy siya sa kaniyang trabaho sa showbiz.

"Magpapatuloy ako ng college. I will be pursuing a degree. Wala pang sure na school and wala pa rin certain course but tuloy-tuloy," sabi ni Bianca sa ulat ni Suzi Abrera sa Unang Balita nitong Huwebes.

Nagmartsa nitong Marso si Bianca sa Vertias Catholic School sa Paranaque.

Labing siyam na taong gulang na si Bianca at isang working student.

Mailalarawan ni Bianca ang kaniyang series na "Sahaya" bilang kaniyang "passion project."

"'Yung Sahaya is passion project for me and for everyone. Lahat ng ipinapakita ko, lahat ng efforts ko, lahat galing sa puso, which is, ngayon ko lang na masasabi kong ginawa para sa isang role," anang aktres.

"Hindi talaga madali. Lahat ng bagay tungkol sa Sahaya, kung paano gawin, walang madali talaga. But then again, dahil nga sa suporta at sa pagmamahal ng mga tao sa amin, nagiging worth it at nagpe-pay off lahat ng paghihirap namin," dagdag pa ni Bianca.

At dahil summer na, mas matindi ang sakripisyo para sa crew ng "Sahaya" sa kanilang mga shoot.

Panibagong hamon din kay Mylene Dizon ang pagganap niya sa "Sahaya," na sinabi niyang hindi pa raw niya nagagawa sa kaniyang karera.

"You know you're excited to work, but really it's a lot, it's harder than it looks. I've never done this before kasi ang set namin nasa tubig, the angles are not as easy to capture because hindi naman kwadrado lahat, hindi siya isang kwarto, cameras have to be mounted on the water, on a boat," ani Mylene.

Ginagampanan ngayon ni Mylene ang nakatatandang Manisan, ang ina ni Sahaya.

Bago nito, si Jasmine Curtis-Smith ang gumanap sa mas batang Manisan.

Sa kabila nito, excited pa rin lagi ang cast ng Sahaya na magtrabaho at gampanan ang kanilang karakter.

"Ang sarap ng buhay ng mga Badjao dito kasi payapa lang. Then every time may sunset, na-e-enjoy ko 'yung view doon kasi saktong sakto 'yung sunset sa amin eh. Buong buo 'yung araw. Chillaxed, yes, damang dama," para naman kay Miguel.--Jamil Santos/FRJ, GMA News