Mula sa pagiging si Thor sa "Avengers," bibida naman ngayon si Chris Hemsworth sa "Men In Black: International." Dahil isa sa mga sikat na armas ng "MIB" ang "neuralizer" na nagbubura ng memorya ng tao, tinanong ang aktor kung ano kaya ang nais niyang alisin.

Sa panayam ni Lyn Ching kay Chris, napag-alaman na 14-anyos pa lang ang aktor noon nang lumabas ang unang Men In Black movie nung 1997, na pinasikat nina Will Smith at Tommy Lee Jones.

Ang MIB ay isang secret organization na nagbabantay para manatiling sikreto ang pananatili ng mga alien lifeform sa mundo.

"I remember loving the film, loving that world. It was the first time I'd seen a cop drama interwoven with aliens. It was unique, and the amount of fun and humor it had was ahead of its time," saad ni Chris sa GMA News "Unang Balita."

Kung totoo ang sandata ng MIB na "neuralizer," tinanong ang aktor kung anong alaala kaya niya ang nais niyang burahin, natatawang sagot ni Chris, "I'd more like to do everyone else a favor and wipe their memory of me dancing on 'Dancing with Stars' year ago."

Paglalarawan niya sa kaniyang naging sayaw sa naturang programa, "It was awful, it was horrific, lack of talent there but I had a good time."

Sa hiwalay na ulat ng GMA News "24 Oras," tinanong din si Chris kung naniniwala ba siya na may alien.

"Out there in the universe, yeah I'd like to think there's something else out there," saad niya.

Muling makakasama naman ni Chris sa "MIB:International" si Tessa Thompson na nakasama niya sa "Thor: Ragnarok" at "Avengers Endgame."

Inihayag din ni Chris na maraming maraming cool gadgets sa set na ginamit nilang props sa pelikula pero wala raw siyang nailusot na maiuwi para gawing souvenir.

"I really wanted to keep the car, the jag I have which has all sorts of gadgets….but it was a little tough to squeeze that in my backpack and sneak out of the front gate at the studio," natatawa niyang sabi.

Mapapanood na ang "MIB: International" sa June 12. -- FRJ, GMA News