Tulad ng ibang ama, hindi nagpapabaya ang mga celebrity dad sa paglalaan ng oras sa kabila ng busy schedule upang makasama ang pamilya at maka-bonding ang asawa at mga anak.

Sa ulat ni Rhea Santos sa GMA News "Unang Balita" nitong Biyernes, sinabing naniniwala ang mga celebrity tatay na mahalagang maipadama ang kanilang pagmamahal sa kanilang mga mahal sa buhay.

Ang pamilya Dantes, naging busy lately sa loob ng kanilang tahanan mula nang dumating ang bagong miyembro ng pamilya na si baby Ziggy.

Gayunpaman, hindi nakakalimot si daddy Dingdong na magkaroon ng quality time sa kaniyang asawa na si Marian.

Ang larawan mula sa kanilang date, hindi kinalimutang i-post ng aktor na may caption pa na, 'Sa wakas, nasolo rin'.

Sa Drew Arellano naman, uwing-uwi raw kapag galing sa kaniyang mga trabaho na madalas sa probinsiya para sa "Biyahe ni Drew," para makapiling ang misis na si Iya at mga baby nila na sina Primo at baby Leon.

Ang kulitan moments nila, always captured by the camera. Lalo na ang mga candid moments bilang isang hands-on mom ni Iya.

"A lot of people think I'm busy. I shoot for TV only three times a week. It was planned that way. I do a couple of corporate events but most of the time I'm at home with my kids," sabi ni Drew.

Samantala, hindi lang mga mensahe ng pampakilig para sa misis niyang si Judy Anne Santos ang caption ng mga Instagram post ni Eat Bulaga dabarkads Ryan Agoncillo. May kasama rin ito ng mga kwento ng pag-iibigan nilang dalawa na kapupulutan ng aral ng kanilang anak na si Lucho.

Parang magkakapatid naman kapag nagsama-sama sina Zoren Legaspi, Carmina Villaroel at ang kanilang kambal na sina Mavy at Cassy.

Pero kahit may pagka-istrikto ang aktor kung ituring nina Mavy at Cassy at ng kaniyang asawa na si Carmina, all out support naman si Zoren pagdating sa kanilang career at plans in life.

"Yung magulang kasi laging gusto nag-e-excel ang anak. And dito sa showbiz industry, mahirap mag-excel dito dahil maraming talented na mga bata. So what I told the two kids is, hindi kayo pwedeng pumasok sa showbiz industry just because you want to, kailangan trained ka," saad niya. -- FRJ, GMA News