Inihayag ng writer-director na si Bibeth Orteza na hindi isasaboy sa Manila Bay ang abo ni Eddie Garcia. Sa halip, pinag-iisipan umano ng pamilya na ihimlay ang batikang direktor sa tabi ng isa nitong malapit na kaibigan.

"'Yun nga pa lang nasabi minsan ni Tito Eddie na pabiro na gusto raw niya 'yung abo niya ay ikakalat sa Manila bay ay hindi totoo 'yun," sabi ni Bibeth sa ulat ni Nelson Canlas sa GMA News TV "State of the Nation" nitong Biyernes.

Sa halip ayon pa kay Bibeth, na kaibigan ng mga Garcia, ang pinag-iisipan ng pamilya ay ihimlay ang namayapang beteranong actor-director na katabi ng kaibigan nitong si Mike, na ama ng kaniyang long-time partner na si Lilibeth Romero.

"Apparently at one point, ang Tito Eddie at father ni Lilibeth, si Mike, kasi magkaibigan 'yung dalawang 'yun, nangako sa isa't isa. 'Pag nilibing tayo magkasama tayo sa libingan," saad ni Bibeth.

"So 'yun ang inaayos nila," dagdag niya.

Pumanaw nitong Huwebes sa edad na 90 si Eddie matapos ma-comatose ng ilang araw sa Makati Medical Center.

Nagtamo ng cervical fracture si Eddie sa isang aksidente habang nagta-taping.

Nitong Biyernes ng umaga ay na-cremate ang mga labi ng aktor.

Samantala, dumagsa ang mga artista at mga personalidad sa showbiz industry sa unang araw ng kaniyang burol sa Heritage Memorial Park.

Kabilang sa mga dumating ay sina Gloria Romero, Manay Ichu Maceda, Tirso Cruz III, Nova Villa, Rez Cortez, Alden Richards, Sunshine Dizon at iba pa.

Nakiramay din ang mga opisyal ng Kapuso network na sina Chairman and Ceo Atty. Felipe Gozon, kasama ang kaniyang maybahay na si Teresa Gozon, Vice Chairman of the Executive Committee Joel Marcelo Jimenez, kasama ang kapatid na si Menardo ''Butch'' Jimenez Jr., Executive Vice President at Chief Financial Officer Felipe Yalong, Senior Vice President for Entertainment Group Lilybeth Rasonable at iba pa.

Nagkaroon din ng isang eulogy matapos ang misa kung saan sinariwa ang mga magagandang alaala na naiwan ni Eddie. -- FRJ, GMA News