Matapos ang dalawang linggong paghahanap, nabawi na ng singer na si Kris Lawrence ang nawawala niyang sasakyan na kaniyang pinaparentahan.
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabing nakita ang sasakyan ni Kris na inabandona sa isang hotel-casino sa Paranaque City.
Ang naturang sasakyan na tatlong buwan pa lang ay isa sa mga pinaparentahan ni Kris na kaniyang negosyo.
Kuwento ng mang-aawit, isang Jumaril Flores Buenaventura ang nagrenta sa sasakyan sa loob ng limang araw.
Pero pagkatapos humingi ng one day extension, hindi na raw niya ma-contact si Buenaventura para ibalik ang sasakyan at hindi na rin gumagana ang GPS nito.
Nang maibalita ang nangyari, sinabi ni Kris na nakatanggap na siya ng maraming tip tungkol sa kinaroroonan ng sasakyan.
"So what I did at that moment I just grabbed my stuff, called two of my friends we went over there [I] took the spare key," sabi ni Kris.
Tumawag din daw siya security personal ng hotel at kinumpirma na nandoon ang kaniyang sasakyan.
Sa loob ng kotse, natagpuan ang pinekeng OR-CR na nakapangalan kay Buenaventura, at nakumpirmang nakapatay na ang GPS ng sasakyan.
Sabi ni Kris, itutuloy niya ang pagsasampa ng reklamo laban kay Buenaventura.
"I think these kind of people need to be taught a lesson and it seems like hindi lang ako ang first victim niya parang marami," saad niya.
Hindi pa rin daw nagpapakita sa kaniya si Buenaventura pero nagpapadala raw ito ng mensahe at sinasabing biktima rin lang umano sila.
"They are communicating with us right now pero ang labo nilang kausap. Now they're saying na biktima lang din sila," ayon kay Kris.
Sinusubukan ng GMA News na kunin ang panig ni Buenaventura, ayon sa ulat. --FRJ, GMA News
