Sa kaniyang Facebook post nitong Lunes, humingi ng paumanhin ang singer na si Yeng Constantino sa mga taong kaniya umanong nasaktan nang batikusin niya sa hiwalay na social media post ang ilang medical personnel sa Siargao, Surigao del Norte.

Ang post ng pambabatikos ni Yeng ay ini-upload pa niya sa Youtube matapos na sumama ang pakiramdam ng kaniyang mister nang mag-cliff diving sa isang lagoon ng nasabing sikat na pasyalan sa Mindanao.

Sa video post, hindi naging maganda ang bagsak sa tubig ng mister ni Yeng at sumama ang pakiramdam nito kaya dinala nila sa ospital. Pero pinuna ng mang-aawit ang kakulangan umano ng pasilidad sa lugar at sa tingin niya ay hindi masyadong naasikaso ang kalagayan ng kaniyang asawa.

Sa kaniyang post nitong Lunes, sinabi ni Yeng na matapos niyang kausapin ang mga taong malapit sa kaniya, napagtanto niya na dapat ay naging mas responsable siya sa kaniyang sinabi sa post.

"Regarding the Siargao incident, yung mga recent posts ko was brought about by my high emotions dahil sa nangyari sa aking asawa whose life at that time I thought was in grave danger," saad niya.

Dapat din umano niyang idinaan sa tamang lugar ang kaniyang mga saloobin ng sandaling iyon. Kaya naman humingi siya ng paumanhin sa lahat ng medical personnel na kaniyang nasaktan sa kaniyang post and vlog, na kaniya na ring inalis.

"There is no excuse. I will do my best to be more responsible next time," saad niya.

Ang ginawang paghingi ng paumanhin ni Yeng ay umani ng paghanga sa kaniyang mga follower dahil sa ginawa niyang patanggap sa kaniyang pagkakamali.-- FRJ, GMA News