Nagpaalam na sa morning program na "Unang Hirit" ang Kapuso host at anchor na si Rhea Santos. Kasabay nito, iiwan na rin niya ang programang "Tunay Na Buhay."
Kaninang Miyerkules ng umaga, hindi napigilan ni Rhea na maiyak nang magpaalam sa "Unang Hirit" na naging tahanan niya sa loob ng 19 na taon. Sa darating na Disyembre sana ang ika-20 taon niya sa naturang morning show.
Paliwanag ni Rhea, aalis siya ng bansa kasama ang kaniyang pamilya patungong Canada para doon na manirahan at magpatuloy ng pag-aaral.
"Ipinagdasal po namin ito at ibinigay sa amin kaya malakas po 'yong loob ko talaga dahil alam kong kaya ko at kasama ko ang aking pamilya," saad niya.
Kasabay nito, nagpasalamat siya sa pamunuan ng GMA sa tiwalang ipinagkaloob sa kaniya, at sa mga nakatrabaho niya sa "Unang Hirit" na kaniyang naging mga kaibigan.
"I'll take this opportunity na rin po siyempre para magpasalamat sa GMA sa tiwala. Salamat sa mga katrabaho na mga naging kaibigan at kapamilya ko na po," ani Rhea. "Higit sa lahat salamat sa inyo mga Kapuso na nagbukas ng kanilang tahanan para papasukin po ako tuwing umaga sa loob ng 19 na taon."
Nagpasalamat din siya sa mga manonood ng programa.
"Higit sa lahat, salamat sa mga Kapuso na nagbukas ng kanilang tahanan para papasukin ako tuwing umaga sa loob ng 19 na taon. Isinabay niyo ako sa paghigop ng kape, pagkain ng almusal, pagpasok sa opisina at sa eskwela. Sa mga kapusong 'di makatulog sa gabi, sinamahan niyo naman ako sa 'Tunay Na Buhay,'" patuloy niya.
Mahigit walong taon na naging host ng "Tunay Na Buhay" si Rhea kung saan inilalahad ang kuwento ng buhay ng iba't ibang personalidad, politika, celebrity, at kahit karaniwang mamamayan.
Mamayang gabi, ang kuwento ng tunay na buhay ni Rhea mismo ang itatampok sa two-part episode ng programa. --FRJ, GMA News
