Mula sa pagiging child stars, palaban na ngayon sina Jillian Ward, Althea Ablan at Sofia Pablo sa pinakabagong Kapuso afternoon drama series na "Prima Donnas," na gaganap bilang triplet na magkakapatid.

Ipaglalaban ng tatlo ang kanilang karapatan bilang mga heredera ng pamilyang napalayo sa kanila, ayon sa Star Bites report ni Aubrey Carampel sa GMA News "Balitangali" nitong Huwebes.

Gaganap si Jillian bilang si Donna Marie na responsable at tatayong ikalawang ina sa dalawa niyang kapatid matapos silang mawalay sa kanilang ina.

"Ako po 'yung pangalawang nanay nila. Since nahiwalay nga po kami sa nanay po namin," saad ni Jillian.

Si Althea naman ang palabang si Donna Belle. "Ako po ay si Donna Belle and my character here is boyish na matapang na walang sinusukuan."

Gagampanan naman ni Sofia Pablo ang bunsong si Donna Lyn. "Ayaw niya pong nag-aaway 'yung dalawa niyang kapatid kasi mahal niya po sila and ayaw niya po ng away."

Magsisilbi namang kontrabida ang rising star na si Elijah Alejo.

Mapapanood na simula Lunes ang Prima Donnas sa direksyon ni Gina Alajar.--Jamil Santos/FRJ, GMA News