Masaya at nagpapasalamat ang komedyanteng si Super Tekla dahil sa kauna-unahang pagkakataon, bibida siya sa pelikulang "Kiko En Lala." Gayunman, inamin niyang hamon din ito sa kaniya dahil kailangan niyang magpatawa nang walang taong nasasaktan ang damdamin.
Sa media interview sa kaniya sa GMA Network nitong Huwebes, inilahad ni Tekla ang pinagkaiba ng comedy sa TV at pelikula.
Pelikulang “Kiko En Lala” ni Super Tekla, mapapanood na sa Setyembre 25. @gmanews pic.twitter.com/1EIvveSPa8
— Jamil Santos (@Jamil_Santos02) September 12, 2019
"Ang Boobay and Tekla Show, siyempre masa ito, may viewers ka rito. Sa national television may mga bata, so meron kaming mga do's and don'ts sa regular TV show. 'Pag movie may mga nakakalusot na words na puwede sa movie, hindi puwede sa TV, siyempre naka-monitor na ng MTRCB."
"Ang kaibahan, ang movie kasi, naka-tape, pulido 'yan. Sa TV andiyan 'yung pagiging naturalesa namin. Minsan, random 'yung ideas, all of a sudden, depende sa situation, magwo-work 'yung ideas and imagination mo pagdating sa comedy, impromptu," saad pa ni Tekla.
"Mahirap ang impromptu 'pag TV, dapat aware ka rin kasi baka madulas ka, lalo na 'pag live," dagdag niya.
Hamon din para kay Tekla na magpatawa sa pelikula nang walang binibirong tao.
"Challenge kasi number one, kailangan mong magpatawa nang wala kang masasaktan. Wala kang involved na tao na puwede mong laitin, in a way na mapapatawa ka. Ako, sumasakit 'yung ulo ko kung paano ko siya i-divert, kung paano ko siya gawan ng paraan, 'yung comedy na nakakatawa siya pero without hurting people na 'yung babain mo."
At para magawa ito, ang kaniyang sarili na lang ang kaniyang binibiro sa pelikula.
"And then thank God na nagagawa ko naman. Minsan kaya lahat ng jokes ko, pa-divert sa sarili ko. Dapat papasok sa akin. Ina-absorb ko siya, dini-deliver ko, pero nagre-rebound siya sa akin. Tapos 'yung product ay nakakatawa, puwede naman pala. Sarili ko ang [nilalait], wala akong [nasasaktan], safe ako."
Samantala, inamin naman ni Tekla na nakaramdam siya ng pressure dahil kailangan ding kumita ng kaniyang movie.
"Sobra. Lalo na ngayon, siyempre, sino ba ang hindi mape-pressure? When we're talking about movie, talagang may budget 'yan, may producer diyan, ba-budget-an 'yan. So pressure talaga kasi kailangan kumita," saad ni Tekla.
"'Yun 'yung pinaka-aim talaga, that's the purpose ng movie. Bakit ka nga magpo-produce ng movie, kung hindi naman kikita, eh di nagpagod ka lang, 'di ba? So pressure, andu'n, sobra," paliwanag pa niya.
"For sure naman siguro, ni-launch ang movie na 'yon, hindi naman pababayaan 'yan. Kumbaga gagawa ng lahat ng paraan na puwede para 'yung kinalabasan, ayos at kaaya-aya."
"Pero kasi gagawa ka ng movie tapos wala lang, ano 'yon?"
Makakasama ni Tekla sina AiAi delas Alas, Kim Domingo, Derrick Monasterio, Jo Berry, Kiray, at Tetay sa Kiko En Lala.
"Hindi naman puro tawa dito, mixed emotion din ito. Kumbaga kumpleto rekados itong movie na ito. Walang dragging, samu't sari. 'Yung manonood ay aliw kasi hindi lang kay ganito, hindi lang kay ganiyan tatakbo 'yung storya," paliwanag niya.-- FRJ, GMA News
