Lalong tumitindi ang kuwento ng buhay ni Sep sa primetime series na "The Gift," na ginagampanan ni Alden Richards. Katunayan, marami ang naantig sa matinding eksenang iyakan nina Alden at Jo Berry nang mabulag na si Sep.



Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, ikinuwento ni Jo na nahirapan sila ni Alden na bumitiw sa naturang eksena kung saan gumaganap sila bilang mag-ina.

Sa eksena, maraming katanungan si Sep kung bakit siya nabulag gayung naging mabuti naman siyang anak. Mahigpit na yakap naman ang itinugon ni Jo habang tumutulo ang kanilang mga luha.

Kahit tapos na raw ang eksena, hindi pa rin sila maka-let go sa kanilang mga karakter.

"Kasi nag-cut na pero pareho kami, nanginginig pa kami, hug pa din. Sabi ko hindi pa rin ako agad makakabitaw kasi ang heavy nun," kuwento ni Jo.

Sabi ni Alden, napakaganda ng kuwento ni Sep na magandang ibahagi sa mga manonood.


 

"Aang sarap ikuwento ng buhay niya eh parang na-inspire," sabi ni Alden. "I want people to know their story and yung hardships, yung hope."

Ang veteran actress na si Elizabeth, hanga sa dedikasyong ipinapakita ni Alden sa trabaho.

Kahit sikat na umano si Alden, nakita niyang patuloy pa rin nitong pinag-aaralan ang kaniyang karakter.

"Kasi nagre-research yung bata. If you're established already and very famous bihira yan magre-rely na lang yan sa direktor o kung sa coach, ito nagre-research," paliwanag ng aktres.

Ipinakita naman ni Alden ang location ng "The Gift sa Maynila na sinadya raw nilang huwag ayusin para sumalamin ito sa totoong buhay.

Mas motivated daw ngayon si Alden na gampanan ang kaniyang karakter,
na natutunan na niyang mahalin.--FRJ, GMA News