Bibida si Bianca Umali sa ikatlong season ng "Halfworlds," ang unang series ng HBO Asia na isu-shoot sa Pilipinas.

Sa direksyon ng Pinoy filmmaker at direktor na si Mikhail Red, iikot ang third season sa neon streets ng Bangkok at sa Maynila, kung saan naninirahan na kasama ng mga tao ang mga uhaw na mythical creatures na "Engkangtos."

 

 

Si Alex, gagampanang karakter ni Bianca, ay isang kalahating-tao at kalahating-Engkangto na maghahanap ng mapagkukunan ng bibihirang "haven," ang halaman para pagalingin ang mga Engkangtos mula sa kanilang pagkauhaw sa laman ng tao.

Makakasama ni Bianca ang aktor na si Sam Concepcion.

Makikita rin sa series ang pagbabalik ng cast mula sa naunang season.

Magsisimula na ang taping sa Enero at magkakaroon ng exclusive premiere sa HBO Go at HBO sa 2020. 

Magmamarka ang series bilang ang pinakamahabang running series ng HBO Asia.

Matatandaan na nitong unang bahagi ng Nobyembre, inamin ni Bianca na excited siya dahil kabilang siya sa ikinakasang malaking proyekto pero hindi muna binanggit kung ano dahil confidential pa.

"It would be guaranteed na malaking-malaking project... pinaghahandaan nang bonggang- bonga," sabi ni Bianca.--Jamil Santos/FRJ, GMA News