Sa programang "Tunay Na Buhay," sinariwa ni Angelu de Leon ang 90s love team nila ni Bobby Andrews sa dating top rating youth oriented show na T.G.I.S. Pag-amin ng aktres, aksidente ang pagkakabuo ng kanilang tambalan.

Ayon kay Angelu na gumaganap na si Peachy sa "TGIS," nagsimula raw ang tambalan nila ni Bobby, na gumaganap na si Wacks, sa isang nakakikilig na pag-aabutan ng ice cream.

Kuwento ng aktres, ang orihinal niyang ka-love team noon ay si Onemig Bondoc bilang si "JM." Pero naging "overwhelming" daw ang reaksyon ng fans nang i-comfort ni Wacks si Peachy, kaya sila na ang naging magkatambal.

Dahil dito, sunod-sunod na ang tambalang Angelu at Bobby sa Growing Up (1997) at Ikaw na Sana (1997).

Binalikan din ni Angelu ang alaala ng kaniyang ama, na maagang pumanaw dahil sa sakit na colon cancer.

Pag-amin ni Angelu, isang siyang daddy's girl at naging masakit sa kaniya ang pagkawala ng ama dahil pumanaw ito habang natutulog siya kaya hindi man lang daw siya nakapagpaalam.

Nakaratay na rin daw sa ospital ang kaniyang ama nang una siyang makita sa telebisyon sa pamamagitan ng paglabas sa commercial. Mula sa pagiging commercial model, inaprubahan naman ng kaniyang ama ang pagsabak niya sa showiz.

Tunghayan ang buong panayam kay Angelu kung saan ipinasilip niya ang kanilang bahay.  Alamin din kung bakit hindi niya pinaglagyan ng telebisyon ang mga kuwarto sa kanilang bahay.  Panoorin ang video sa itaas.

Click here for more GMA Public Affairs videos:
 

--FRJ, GMA News