Natutuwa si Carmina Villaroel na kabilang siya sa pelikulang "Sunod," na nag-iisang horror film na kasali para sa 2019 Metro Manila Film Festival.
Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabing hindi na maalala ni Carmina kung kailan siya huling gumawa ng horror movie.
Tungkol ang "Sunod" sa isang nanay na nagtrabaho upang tugunan ang pangangailangan ng anak na maysakit. Pero sa lugar ng kaniyang pinagtatrabahuhan, sinundan na siya ng isang espiritu.
"Kasi 'yung anak ko dito, maysakit to the point na parang she's dying. I have to look for a job. Napunta ako sa call center and then from there, du'n na mangyayari 'yung mga hindi kanais-nais," sabi ni Carmina.
Sobra ang saya si Carmina dahil co-stars niya ang mga magagaling din na artista tulad nina Mylene Dizon, Susan Africa, JC Santos, Kate Alejandrino, Krystal Brimner at Rhed Bustamante.
Puno na ang schedule ni Carmina para sa buwan ng Disyembre dahil sa "Sunod," pero mayroon pa rin naman siyang maikling bakasyon kasama ang pamilya.
"Before Christmas, aalis lang kami. So may konting pahinga lang ako. Siguro mga five days, five days but I'll be back for the parade," ani Carmina.--Jamil Santos/FRJ, GMA News
