Kahit biritera rin at ka-edad ni "The Clash "Season 1 winner Golden Cañedo, hindi raw nagpapakampante ang Season 2 'The Clash' finalist na si Antonette Tismo na siya ang mananalo kaya todo-bigay ang kaniyang bawat performance.

"'Yun po 'yung iniisip ko na, 'yung iba kasi iniisip na last year, may biritera na bata, pareho kami ng edad, pareho kami ng genre, pareho kami ng naging buhay," sabi ni Antonette sa panayam sa kaniya ng media reporters sa GMA Network kamakailan.

 

 

"Dati, iniisip ko po [kung] may chance ba ako na maging katulad niya (Golden). Pero alam ko naman po na sa performance pa rin po binabase," pag-amin ng singer.

Para kay Antonette, hindi garantiya ng pagkapanalo ang pagiging biritera

"'Yung iniisip po kasi ng tao ngayon porke't biritera angat na. 'Yung iba rin naman... Ano, biritera na lang na sigaw nang sigaw?"

Kaya naman daw pag-iigihan pa lalo ni Antonette ang kaniyang performance.

"Performance na lang talaga. Alam ko naman po na ginagawa nang tama ng mga judge 'yung trabaho po nila," ani Antonette.

Muling binalikan ni Antonette ang kaniyang pag-viral noon na kumakanta habang naglalako ng kalamay.

Sampu o 11- taong-gulang daw siya noon nang tawagan ng programa ng GMA tulad ng "Kapuso Mo Jessica Soho," "Unang Hirit" at "Wish Ko Lang."

Sa Linggo na gaganapin ang finals ng The Clash Season 2, kung saan makatutunggali niya sina Nef Medina, Jeremiah Tiangco, Aljon Gutierrez, Thea Astley at Jeniffer Maravilla.

 

 

--FRJ, GMA News