Bulag ang role ni Alden Richards sa Kapuso primetime series na "The Gift" kaya kahit papaano ay batid niya ang hirap na pinagdadaanan ng mga bulag. Kaya naman hindi siya nagdalawang-isip na pangunahan ang pagbibigay sa hiling ng isang bulag na ginang na nangangalakal ng basura na magkaroon ng ibang pagkakakitaan.
Ayon kay Analiza Cabiles, ng Catmon, Malabon, nawala ang kaniyang paningin mula nang magkaroon siya ng tigdas noong tatlong taong gulang pa lang siya.
Ngayon, mayroon nang limang anak si Analiza sa kaniyang mister na isang construction worker na kumikita ng P1,500 sa isang linggo.
Dahil hindi sapat ang kinikita ng asawa, gumagawa ng paraan si Analiza para makatulong sa gastusin. Kasama ang dalawang batang anak, nangangalakal o namumulot siya ng basurang maibebenta.
"Kumikita kami ng P100 pero pagka-kokonti lang nakuha naming kalakal, nakaka-P50 o P30,"kuwento niya sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules.
Aminado si Analiza na nahihirapan na siya sa pangangalakal dahil hindi niya nakikita ang kaniyang nilalakaran. Kaya pangarap niyang magkaroon ng ibang pagkakakitaan tulad ng pagtitinda.
Sa pagtutulungan nina Alden at GMA Kapuso Foundation, at mga donor, binigyang katuparan ang pangarap na munting tindahan ng ginang na inihatid mismo ng aktor.
Kuwento ni Aldel kay Analiza, sumailalim siya sa pagsasanay bilang isang bulag nang paghandaan niya ang role sa "The Gift." Kaya naman daw alam ng aktor na hindi madali ang buhay ng isang bulag.
Labis naman na ikinatuwa ni Analiza ang natanggap na biyayang kabuhayan sa pagtitinda ng mga squidball, fishball at iba pa. Bukod doon, may natanggap ding mga regalo ang mga batas, tulad ng school supplies.
Kasama ang Eye Bank Foundation of the Philippines, ipinasuri din ang mga mata ni Analiza para malaman kung may pag-asa pa ba siyang makakita.
Gayunman, sinabi ng sumuri sa mga mata ni Analiza na umimpis na ang mga mata ng ginan dala ng komplikasyon ng tigdas nung bata pa siya. Sa ngayon, wala pa raw teknolohiya na natutuklasan para maibalik ang paningin ng mga taong may ganitong kondisyon.
Mensahe ni Analiza sa mga katulad niyang may kapansanan, huwag mawalan ng pag-asa, patuloy na maging matibay at sikaping mamuhay ng normal.
Kaya naman si Alden, lalo pang humanga sa ginang dahil sa ipinakikitang determinasyon sa buhay. --FRJ, GMA News
