Handa na ang mga Kapuso stars para sa mas maganda at mas makulay pang 2020. Kasabay nito, handa na rin silang iwan ang negative vibes na naranasan o nakuha nila sa 2019.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, inilahad ni Kapuso sexy star Sanya Lopez na gusto pa niyang maging mas fit sa 2020.

"Mas pumayat pa lalo, mas alagaan ko 'yung sarili ko. At siyempre 'yung mga bagay kasi minsan nagiging pabaya na tayo sa sarili natin," sabi ni Sanya.

Gusto aniya ni Sanya na iwan na sa 2019 ang lahat ng hindi magandang nangyari sa buhay niya.

Sinagot din ng "no boyfriend since birth" na dalagang Bulakenya ang tanong kung plano na ba niyang mag-love life sa 2020.

"Tingnan natin kung meron akong maa-achieve na love life pero kung dumating, best gift 'yon, isa sa mga best gift na ibibigay sa akin thing coming 2020," dagdag ni Sanya.

Iiwan na rin ni "Magkaagaw" star Klea Pineda sa 2019 ang kaniyang kanegahan.

"Negative vibes, negative thoughts na nangyari sa akin. 'Yung dark side na nangyari sa 'kin nitong 2019, gusto kong kalimutan lahat 'yun," ani Klea.

Sa halip, pagtutuunan na lang ng pansin ni Klea ang pagpapaunlad sa kaniyang talento.

"Halos lahat naman ng artista dito sa atin gustong makakuha ng awards and 'yun 'yung nilu-look-up ko sa 2020 na sana mabigyan ako ng chance na magawa 'yun," sabi ni Klea.

Kalusugan naman ang gustong pagtuunan ng pansin ni Sef Cadayona sa 2020.

"Gusto kong iwanan sa 2019 eh pagkain ko nang walang katapusang sitseria habang nagsusulat ng script. Haha! Actually hindi lang ako kundi sa buong team ng Bubble Gang sa 2020. maging healthy naman tayo," ani Sef.

Masaya si Migo Adecer na tumatak ang naging papel niya sa "Sahaya" at mayroon din siyang isang pelikula nitong 2019.

"What I'm gonna leave in 2019 is most probably all the crazy stuff that happened  to me here this year, finally turn over a new leaf," sabi ni Migo.

"I just wanna be able to still be relevant at GMA, still wanna be able to work primetime or afternoon primetime," dagdag ni Migo--Jamil Santos/FRJ, GMA News