Matapos ang panganganak, hindi kaila na marami ang nagbabago sa katawan ng isang ina. Pero ang ilang Kapuso celebrity mommies, buong-puso nila itong niyakap habang unti-unting ibinabalik ang kanilang fitter body.

Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Martes, sinabing isa na rito si Rochelle Pangilinan, na nanganak noong nakaraang taon sa unang baby nila ni Arthur Solinap na si Baby Shiloh.

Nagustuhan ng netizens ang transformation na ipinakita ni Rochelle matapos ang tatlong buwan.

Ginawa ni Rochelle ang post-natal fitness na isang oras na light exercise routines araw-araw.

"Disiplina talaga eh. Tsaka nasa isip ko, hindi naman mangyayari ang pagbalik sa katawan sa isang araw lang. Siyempre darating ang araw na maiinip ka pero dapat hindi ka mainip," saad ng dating Sexbomb dancer.

Kaya naman mas fit at sexy si Rochelle sa 2020.

Isa rin sa pinahahalagahan ang kaniyang kalusugan si Solenn Heussaff.

Nasa sinapupunan pa lamang si Baby Thylane pero inaalagaan na siya ng kaniyang mommy Solenn sa pamamagitan ng home yoga workouts.

Matapos manganak, nagbahagi si Solenn ng kaniyang post-pregnancy stories sa Instagram.

Nanganak si Solenn sa pamamagitan ng cesarean section kaya hindi muna siya maaaring mag-exercise. Pero ayon sa kaniya, ibabahagi niya ang kaniyang journey to recovery stories.

Blessing ng 2019 kung maituturing ng mag-asawang Chynna Ortaleza at Kean Cipriano ang kanilang Baby Salem.

Hindi nahiya si Chynna na ibahagi sa kaniyang IG account ang kaniyang post-partum stretch marks at pangingitim ng kaniyang mga kili-kili.

Ngunit hindi niya ito iniintindi, dahil fulfillment at proud feeling naman ang kaniyang nararamdaman bilang isang nanay.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News