Umabot na sa isang milyon ang followers ni Sofia Pablo sa social media music app na Tiktok. At bilang pasasalamat sa fans, naghandog siya sa kanila ng isang dance video.
Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabing maagang naabot ng "Prima Donnas" star ang pangarap niyang maging artista sa murang edad.
Nagsimula si Sofia bilang isang commercial model, hanggang sa mapabilang siya sa roster ng young talents ng GMA Artist Center.
Nakilala rin si Sofia bilang boses ni Serena sa "Pokemon XYZ" at "Pokemon Sun and Moon" kasama rin ang Prima Donnas co-stars na sina Will Ashley at Althea Ablan.
Nagpapasalamat ang young actress na nakapaghahatid siya ng inspirasyon sa pamamagitan ng top-rating nilang Afternoon Prime series.
Ginagampanan ni Sofia ang mahinhin, malambing at hindi pala-away na si Donnalyn o si Lenlen.
"Katulad po ng tatlong magkapatid, huwag po kayong sumuko sa mga gusto niyo. Kung gusto niyo talaga 'wag niyo pong susukuan ano pa mang pagsubok ang dumating," sabi ni Sofia.
Hindi pinababayaan ni Sofia ang pag-aaral kahit busy siya sa taping. Kasalukuyang siyang nasa home school program.
Madalas nagdadala si Sofia ng modules sa set na puwedeng niyang i-review lalo kung mahahaba ang break.
"Kahit nag-artista ka iba pa rin 'yung nakapagtapos ka ng pag-aaral, and 'yun din po kasi talaga ang pangarap ng mom and dad ko sa akin, ang makapagtapos po ako," anang aktres.
Bukod sa pagiging aktres, hilig din ni Sofia ang pagsayaw, na hindi namimili ng location. Sumasayaw si Sofia kahit sa pictorial when the beat drops.
Mahilig din siya sa sports at arts.
"'Pag may time nagsu-swimming po ako, badminton, painting tapos drawing din po," ani Sofia.
Nagbigay-paalala si Sofia sa fans.
"Huwag niyo po susukuan ang pag-aaral niyo, minsan mahirap, siyempre huwag niyo po bibitawan kasi napakahalaga rin ng may pinag-aralan."--FRJ, GMA News
