Inilahad ni Dennis Padilla kung ano ang kadalasang pinag-aawayan nila ng kapatid niyang si Gene Padilla noong mga bata pa sila.
"'Pag naghiraman kami ng pantalon away din 'yan," sabi ni Dennis sa programang "Mars Pa More."
"Eh kasi ginamit mo bagong laba. Tapos pagkatapos mong gamitin, hindi mo lalabahan, away 'yun. Ibig sabihin hiniram mo 'yung maong ko tapos hindi mo lalabahan, ganoon, away 'yon," pagpapatuloy ng komedyante.
Ayon pa kay Dennis, ang nakababatang kapatid na si Gene pa ang nagsusuot ng mga bago niyang pantalon na may tag pa.
"Tsaka hindi mo puwedeng isuot 'pag may tag pa. Eh minsan 'yung iba, itong mga ito (Gene), may tag pa 'yung pantalon ko, una pa siyang nagsuot. Ang tigas mo! May tag pa! Una ka?! Ikaw ba bumili niyan ha?!" patawang sabi ni Dennis.
Pero ngayong malalaki na sila, nagbibigayan na sila sa kanilang mga gamit.
"Maraming rubber shoes ko na pangbasketball, nanggaling sa kaniya (Gene), hindi ako bumibili," kuwento ni Dennis.
Sinabi ni Dennis na "hoarder" kung bumili si Gene ng rubber shoes kaya nabibiyayaan siya nito.
Ibinahagi rin nila ang madalas na ayaw nila ng iba pa nilang kapatid tungkol naman sa almusal. Panoorin ang video sa itaas. --FRJ, GMA News
