Dinagsa ng mga bigatin at game sa aktingan at martial arts  ang audition para sa role na "Big Bert" sa live-action remake na gagawin ng GMA sa "Voltes V."

Si Big Bert ay kilala ng mga "Voltes V" fanatic bilang si Daijoro Go o Robert Armstrong, may katawang mala-Sumo wrestler pero malumanay ang ugali, ayon sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes.

Siya ang driver ng ikatlong Voltes V machine, na Volt Panzer o ang mismong katawan ng mega robot.

Kaya naman ang mga tumugon sa audition, mga hebigat din na naniniwalang taglay din nila ang katangian ni Big Bert.

Bukod sa pagpapakita ng kanilang abilidad sa pag-arte, nagpamalas din sila ng husay sa martial arts.

Itinuturing daw na ambitious project ang live action version dahil first time itong gagawin sa Philippine television.

Sabi ni direk Mark Reyes, ang lahat ng kanilang gagawin sa bagong version ng  Voltes V ay daraan sa approval ng Japanese company na namamahala ng  Voltes V.

Pagmamalaki ng direktor, makikita rito ang galing ng mga Pinoy sa arts and technology na dito lahat gagawin sa bansa.

"People who saw the pitch tape which you haven't seen reacts na, 'Uy! dito ginawa ;yan?' Sabi ko, 'Yeah.' And that was five years ago what more now mas magaling tayo diyan," saad niya. -- FRJ, GMA News