Marami ang nakapansin nitong Lunes na walang taong nanonood sa studio ng "Eat Bulaga" na kung tawagin ay "mga tsismosang kapitbahay" sa segment na "Bawal Jugdmental."

Sa Facebook post ng "Eat Bulaga," inihayag ng programa na pansamantalang sinuspindi nila ang pagtanggap ng live studio audience bilang pag-iingat sa COVID-19.


"The management of Eat Bulaga has decided to temporarily suspend the admission of live a studio audience in the airing of its show to help prevent the spread of the virus and to ensure the health and safety of its talent, staff, crew and members of its audience," saad sa pahayag.

"Please understand that this decision was made after extensive and careful consideration in order to cooperate with government efforts to contain the spread of COVID-19," dagdag nito.

Matatagpuan ang APT studio ng Eat Bulaga sa Cainta , Rizal na inilipat noong Disyembre mula sa Broadway Centrum sa New Manila.

Kamakailan lang ay nakapagtala na ng kaso ng COVID-19 sa Cainta.

Sa huli, nagpaalala ang Eat Bulaga sa mga sumusuporta sa programa na kung tawagin ay mga dabakards na mag-ingat.

Nitong Lunes, inanunsyo ng Department of Health na 10 na ang kaso ng COVID-19 sa bansa. Sa naturang bilang, isa ang pumanaw at dalawa ang gumaling na.--FRJ, GMA News