Patay ang isang aso matapos na pagbabarilin sa isang construction site sa Candon, Ilocos Sur. Paliwanag naman ng isa sa mga kasama sa pumatay sa aso, may nakagat umano itong residente.

Sa ulat ng GMA Regional TV na ibinahagi ng GTV News Balitanghali nitong Huwebes, madidinig ang apat na putok ng baril.

Madidinig din ang pakiusap ng mga tao na huwag patayin ang aso, at bawal ang ginagawa sa naturang hayop.

Ini-report na umano ng uploader ng video sa kanilang barangay ang nangyari, at naghain na rin ng reklamo sa piskalya para mabigyan ng legal na atensyon ang nangyari.

Sinisikap pang makuhanan ng pahayag ang taong bumaril sa aso na hindi binanggit sa ulat kung sino ito at bakit mayroon itong baril.—FRJ GMA Integrated News