Nagparating ng kanilang get-well-soon cards ang ilang Kapuso child stars bilang munting paraan nila para mapatatag ang mga pasyenteng nakikipaglaban sa sakit na COVID-19. Ang mga bata, may thank you letters din sa mga frontliner.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing ang ginawa ng mga batang Kapuso ay tugon sa panawagan ng isang doktor sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) na si Dr. Nicole Pereras.

Paraan na rin ito ng child stars para maging makabuluhan ang kanilang oras ngayong ipinatutupad ang home quarantine.

May iba't ibang disenyo na may mensahe ng pagmamahal at pag-asa ang ginawang get-well-soon cards ni Angelica Ulip.

"Sana po matuwa po 'yung bibigyan po nito kasi po talagang binigyan ko po talaga ito ng effort para gawin," saad ni Angelica.

May short at sweet na message din ang cutie child actor na si Euwenn Aleta para sa mga COVID-19 patient.

"Ginawa ko po itong card kasi po lagi po akong nagpe-pray na sana po gumaling na po sila at sana po huwag po silang mawalan ng pag-asa," saad ni Euwenn.

Iginuhit naman ni Rafael Landicho ng "Love of My Life" sa kaniyang card ang mga doktor at nurse na hawak-hawak ang kamay ng isang pasyente. Mensahe ni Rafael, huwag mawalan ng pag-asa dahil kasama natin ang Diyos.

Gusto namang palakasin ni Jacob Briz ang loob ng mga COVID-19 patient.

"To all COVID-19 patients, just wanted to bring a little sunshine today and let you know I am praying for you. God loves you, get well soon. Your loving family is waiting for you," saad ni Jacob.

Mayroon ding inihandang cards ang child stars para sa mga frontliner.

May thank you card para sa kanila si Yuan Francisco.

Sa isang video message idinaan ni Leanne Bautista ang kaniyang pasasalamat sa lahat ng frontliners.

"Buong puso po akong nagpapasalamat at tumatanaw ng utang na loob sa mga magigiting nating frontliners. Nawa'y malagpasan po nating lahat ng ito. Stay safe po! God bless!" ani Leanne.--Jamil Santos/FRJ, GMA News