Nag-viral sa TikTok at Instagram ang dance challenge ni Kyline Alcantara na base sa bago niyang single na "Isa, Dalawa, Tatlo," na kinasahan ng netizens pati na rin ng mga kapwa niya Kapuso stars.
Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras," sinabing marami na agad ang kumasa at napaindak dalawang araw pa lang mula nang i-post ni Kyline ang kaniyang #123dancechallenge.
Nilabas ni Kyline ang kaniyang latest single mula sa GMA Music.
Kinasahan agad ito ng ilang Kapuso stars tulad nina "Prima Donnas" stars Althea Ablan at Sofia Pablo.
Nakipaghatawan din kay Kyline side-by-side sina Rodjun Cruz, Cassy Legaspi, "That's My Bae" Joel Palencia, Taki, Rere Madrid at Kate Valdez na kasama pa ang kapatid na si Karen.
"Kaya ko po tinanggap 'yung Isa, Dalawa, Tatlo dahil uso po 'yung TikTok, 'yung tunog niya para siyang TikTok eh, so purpose talaga namin 'yung gawin siya parang dance craze or dance challenge. So ang sarap sa pakiramdam na maraming nakaa-appreciate sa sayaw at maraming nakaka-gets sa pagsayaw ko," sabi ni Kyline.
Nasa Bicol si Kyline nang gawin ang dance challenge, ilang araw lang matapos niyang i-launch ang kaniyang single na "Isa, Dalawa, Tatlo" noong Marso 31.
Nag-post din ang maraming fans ng kanilang pagsayaw sa Tiktok.
"Lahat tayo natatakot dito sa coronavirus. Kumbaga kahit paano magbigay naman po ng kahit konting smile sa kanila or kahit konting pampaalis ng boredom sa bahay," sabi ni Kyline.
Naging maayos naman ang quarantine life ni Kyline sa Bicol at nagkaroon siya ng quality time kasama ang pamilya, lalo na ang kaniyang lolo at lola na bihira niyang makasama.
Gayunman, mayroon nang mga nami-miss si Kyline.
"Magtrabaho! Sobrang nami-miss ko na [mga katrabaho ko] at sobrang nami-miss ko rin po siyempre 'yung mag-perform, mag-entertain ng maraming tao, umarte, sobrang nami-miss ko na po talaga," sabi ng aktres.--Jamil Santos/FRJ, GMA News
