Inilahad ni Arny Ross ang kaniyang pangamba para sa kapatid na duktor sa Lucena, na patuloy na ginagampanan ang tungkulin bilang frontliner sa kabila ng hirap ng sitwasyon doon dahil sa COVID-19.
'Yung ate ko, doctor siya, OB-[GYN] sa Lucena kasama 'yung family niya. 'Yung husband niya rin. So nagcha-chat kami tapos sabi ko, ako nag-aalala ako bilang kapatid niya na parang, 'Hindi ba puwedeng sabihin mo na lang masama na pakiramdam mo?'" kuwento ni Arny sa Kapuso Showbiz News.
"Kasi call of duty talaga talaga 'yan nila. 'Yun pala 'yung pinaintindi niya sa akin, na kahit anong worry namin ng family namin, kailangan talaga nilang mag-duty, pumunta talaga doon kahit na ganito na ka-serious 'yung virus dahil kahit na gusto nilang protektahan 'yung sariling pamilya nila, kasi nga dahil calling nila 'yun," saad pa ng "Bubble Gang" star.
Iniisip din daw ng ate niya ang maliliit pa nitong mga anak pero kailangan daw talagang pumasok pa rin at gampanan ang kaniyang tungkulin.
"Nandoon siya sa talagang naiipit siya, as in. Kaya ako sobrang ramdam ko lahat ng frontliners eh, lalo na 'yung mga namamatayan talaga. So super sakit talaga noon. Sila ate, talagang pinagpe-pray na lang namin tapos lagi naming pinaalalahanan na mag-vitamins," kuwento pa ni Arny.
"Tapos nagse-send siya ng picture na talagang balot na balot siya. Lalo na sa Lucena, medyo kaunti lang kasi 'yung mga health workers doon, medyo limited lang kasi. So kung maggi-give up pa sila, paano na lang 'yung mga pasyente?," saad pa ni Arny.
Tulad ni Arny, hindi rin naiwasan ni Tom Rodriguez na mabahala para sa kaniyang pamilya na nasa Arizona at California, lalo sa kapatid na frontliner na isang nurse, dahil ang Estados Unidos na ang may pinakamadaming COVID-19 cases.
Bukod kay Tom, may kapatid din na nurse si Aicelle Santos na nasa UK, at pinaalalahanan niya ito na mag-ingat.
May kapatid ding nurse si Alden Richards na frontliner sa California, at hindi niya napigilang maging emosyonal noon dahil sa pag-aalala para sa kapatid. --FRJ, GMA News
